LIYAMADO ang mga koponan na magpaparada ng kumpletong roster sa PBA D-League Aspirants Cup na magbabalik sa Huwebes matapos ang dalawang taong pahinga.
Sa walong koponan na sasabak, ang Wangs Basketball@26-Letran, Eco Oil-La Salle, at Adalem Construction St. Clare ang mga nabanggit na kabilang sa ‘teams to beat’ sa developmental league na dalawang taon na nawala dahil sa COVID-19 pandemic.
Ang Knights ay galing sa back-to-back championships sa NCAA, ang Green Archers ay kinapos sa UAAP finals kontra eventual champion UP Fighting Maroons sa semifinals ladder, habang nakopo ng Saints ang ika-5 sunod na NAASCU title.
Minaliit ni St. Clare coach Jinino Manansala ang pagiging paborito ng Saints’ status as favorites, at binanggit ang Letran, La Salle, at maging ang Marinerong Pilipino bilang top three contenders para sa korona.
“Intact na teams ang mga iyan at mataas na liga ang nilalaruan nila,” sabi ng anak ni dating PBA Rookie of the Year Jimmy Manansala sa virtual Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum kahapon.
“Pero siyempre in fairness sa ibang teams, lalaban din ang mga ‘yan. Hindi naman kami sumali dito para tumakbo-takbo lang.”
Tumanggi si Gian Nazario, deputy ni La Salle mentor Derrick Pumaren, na matawag ang Archers na contenders, at binigyang-diin na kalahati ng koponan na kanilang ipaparada ay binubuo ng rookies, habang sina regulars Mark Nonoy, Evan Nellie, at Deschon Wilson ay posibleng hindi maglaro para mas makapagpokus sa kanilang pag-aaral.
“We’re really focusing on our team development and we’ll try to absorb every experience we can get in this tournament knowing na mataas naman ang level of competition in the D-League,” aniya.
Sinamahan nina PBA deputy commissioner Eric Castro at Apex Fuel-San Sebastian coach Egay Macaraya sina Manansala at Nazario sa weekly session na itinataguyod ng San Miguel Corporation (SMC), MILO, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, Amelie Hotel Manila, Unilever, at ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Bukod sa intact lineup, sinabi ni Macaraya na ang mga koponan na may imports ay may malaking tsansa rin para sa korona.
“‘Yung mga all-Filipino teams na sumasali sa D-League meron kaming disadvantage,” aniya hinggil sa Stags. “Pero maganda ang competition diyan and maraming matututunan ang players ko so who knows, baka matalo namin yung iba. ‘Yung teams to beat, yung mga may imports siguro.”
Ang Saints ay may isa sa katauhan ni Babacar Ndong na makakatambal ni Johnsherick Estrada, ang reigning Rookie-MVP ng NAASCU.
Kabilang din ang AMA Online, Builders Warehouse-UST, at CEU Scorpions sa eight-team field sa season-opening tournament na huling pinagharian ng Cignal-Ateneo noong 2019.