DAHIL sa resulta ng una at nag-iisang engkuwentro sa pagitan ng EcoOil La Salle at ng Marinerong Pilipino-San Beda sa PBA D-League Aspirants’ Cup, naniniwala ang mga coach ng dalawang koponan na magiging dikit ang kanilang best-of-three title series.
Sang-ayon sina La Salle’s Gian Nazario at Ralph Penuela ng San Beda na hindi basta bibigay ang Green Archers at Red Lions sa finals, na magsisimula sa Huwebes sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
“(Magiging) dikit ang laban. ‘Yun naman ‘yung gustong makita natin, di ba. For sure, ang La Salle magpe-prepare din naman. So kami rin,“ sabi ni Penuela.
“Best of three. Hanggang Game Three,” dagdag ni Nazario.
Ang dalawang coach ay bumisita sa weekly Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa conference hall ng Rizal Memorial Sports Complex kasama sina La Salle stalwart Kevin Quiambao, San Beda starting point guard Jacob Cortez, at San Beda coaching staff Tatti Chio.
Ginulantang ng Red Lions ang Green Archers sa kanilang nag-iisang paghaharap sa torneo, 82-79, sa isang game-winning three-pointer ni Peter Alfaro.
Subalit minaliit ni Penuela ang panalo dahil hindi buo ang lineup ng La Salle noong mga panahong iyon, lalo na’t wala ang magkapatid na Mike at Ben Philips, na kabilang sa Gilas Pilipinas team na sumabak sa i32nd Southeast Asian Games sa Cambodia.
“Kaya we’re coming in this finals with the mindset of an underdog kasi sobrang laking bagay nung Philips sa roster ng La Salle. Yung energy na binibigay nila, yung leadership na nai-imbibe nila sa team,” anang dating San Beda player.
Sang-ayon si Nazario na kulang sa tao ang EcoOil nang maitala ng Marinerong Pilipino ang thriller, subalit hindi ito nangangahulugan na hindi kayang lumaban ng Red Lions sa Green Archers na may kumpletong koponan.
“I’m not going to take away na we were shorthanded (when they beat us). But at the same time, we have to give credit to San Beda,” anang long-time coach ng La Salle.
“The respect I have for coach Yuri (Escueta) and what he was able to put in sa kultura ng San Beda at Marinerong Pilipino speaks a lot.”
Sina Quiambao, ang dating Gilas stalwart, at Cortez, anak ni dating PBA player at top pick Mike Cortez, ang dalawang top candidates para sa Most Valuable Player (MVP) award, subalit sinabing kapwa nila prayoridad ang manalo ng championship.
“I think everyone wants to be a champion. I think that’s the main goal. The MVP is just like a bonus,” ani Cortez.
Dagdag ni Quiambao, “For me grateful akong makasama sa (MVP) list. (Pero) gusto ko ring mag-champion. Main goal naman is to win the championship.”
Tinapos ng EcoOil La Salle at Marinerong Pilipino-San Beda ang elimination na may magkatulad na 5-1 kartada, subalit kinuha ng Red Lions ang top seed dahil sa winner-over-the other rule.
Winalis ng Archers ang University of Perpetual Help Altas sa semis, 2-0, habang tinalo ng Red Lions ang Wangs Basketball @27-Letran sa deciding Game 3 upang maisaayos ang kanilang title showdown.
-CLYDE MARIANO