LA SALLE VS ADAMSON SA SSL FINALS

VOLLEYBALL-2

NAISAAYOS ng De La Salle University at Adamson University ang all-UAAP championship series makaraang pataubin ang kani-kanilang semifinals foes sa 2023 Shakey’s Super League (SSL) National Invitationals nitong Biyernes sa FilOil EcoOil Centre.

Nalusutan ng La Salle, ang reigning UAAP champion, ang nakapanghihinang five-setter kontra  University of Santo Tomas upang maitakas ang  22-25, 25-18, 14-25, 26-24, 26-24 panalo sa larong tumagal ng dalawang oras at 34 minuto.

Tumapos si Alleiah Malaluan, gumawa ng game-winning point, na may 25 points sa 20 attacks at  5 service aces habang nag-ambag si Shevana Laput ng 23 markers.

Sa pagkatalo ng UST ay nabasura ang  29 puntos na kinamada ni Angeline Poyos, gayundin ang 25-point game ni lefty opposite hitter Regina Jurado.

Samantala, magaan na dinispatsa ng Lady Falcons ang University of Perpetual Help System DALTA ng NCAA, 25-19, 25-21, 25-16, sa kanilang sariling semis bracket upang umabante sa finals.

Nanguna si Ayesha Juegos para sa Adamson na may 29 points mula sa 16 attacks, 11 aces, at 2 blocks habang nagbuhos si Ma. Rochell Lalongisip ng 21 points sa larong tumagal lamang ng isang oras at 23 minuto.

Sisimulan ng La Salle at Adamson ang kanilang best-of-three finals series sa Miyerkoles sa parehong venue.

Maghaharap naman ang Perpetual at UST para sa bronze medal.