LA SALLE VS SAN BEDA SA PBA D-LEAGUE FINALS

Laro sa Huwebes:
(Ynares Sports Arena)
3 p.m. – EcoOil-DLSU vs Marinero-San Beda

NAKUMPLETO ng Marinerong Pilipino-San Beda ang paghahabol mula sa 0-1 semifinals series deficit sa wire-to-wire 79-65 victory kontra Wang’s Basketball @27 Strikers-Letran upang umabante sa PBA D-League Aspirants’ Cup Finals kahapon sa Ynares Sports Arena.

Umusok ang Red Lions at kumarera sa 10-0 kalamangan at hindi na lumingon pa upang magwagi sa best-of-three series, 2-1.

Dahil dito ay naisaayos ng Marinero ang championship rematch sa titleholders EcoOil-La Salle, subalit sa pagkakataong ito ay kasama ang core ng NCAA team San Beda, sa isa pang best-of-three duel simula sa susunod na Huwebes sa parehong Pasig venue.

Ininda ng Knights ang pagliban ni Pao Javillonar, na nagsilbi ng one-game suspension dahil sa panununtok kay Yukien Andrada sa Game 2.

Si James Payosing ang pinaka-nagningning sa panalo ng Marinero-San Beda.

Nagpasabog si Payosing ng 23 points, tampok ang perfect 4-of-4 accuracy mula sa arc, na sinamahan ng 9 rebounds at 3 assists upang pangunahan ang top-ranked Red Lions, na nakakuha ng suporta kina Damie Cuntapay (11) and Andrada (10).

Naitala niya ang 15 sa kanyang total output sa first half, kung saan naitarak ng Red Lions ang pinakamalaking bentahe sa 21 points bago kinuha ang 46-29 cushion sa break.

“Hindi nag-relax ‘yung mga players. Sabi ko lang sa kanila, don’t’ stop playing for 48 minutes at nilagay nila ‘yun sa puso nila. Noong Game 1, huminto kami,” sabi ni Marinero-San Beda coach Yuri Escueta.

Nanguna si Kurt Reyson para sa Knights na may 19 points, 4 rebounds at 4 assists, habang nag-ambag sina Vince Cuajao at Neil Guarino ng 13 at 10 points, ayon sa pagkakasunod.

Iskor:
Marinero-San Beda (79) – Payosing 23, Cuntapay 11, Andrada 10, Alfaro 7, Jopia 7, Gallego 6, Puno 6, Visser 4, Cortez 3, Royo 2, Tagle 0, Alloso 0, Jalbuena 0, Tagala 0, Teruel II 0,

Wang’s-Letran (65) – Reyson 19, Cuajao 13, Guarino 10, Santos 7, Tolentino 5, Morales 5, Go 4, Monje 2, Laquindanum 0, Brillantes 0, Bojorcelo 0, Ariar 0.

QS: 22-12, 46-29, 61-50, 79-65.