LADY BOMBERS NAGPARAMDAM

NCAA

Mga laro ngayon:
(Paco Arena)
12 noon – LPU vs CSB
2:30 p.m. – SSC-R vs Mapua

BUMAWI ang Jose Rizal University mula sa first set loss upang gapiin ang Letran, 13-25, 25-22, 25-17, 25-17, para sa mainit na simula sa NCAA women’s volleyball tournament kahapon sa Paco Arena.

Kumana si Sydney Riegos ng tatlong blocks para sa 11-point effort, nagtala si Renesa Melgar ng 10 points at 13 digs habang nagdagdag si Dolly Verzosa ng 9 points para sa Lady Bombers.

Pinangunahan ni Shereena Urmeneta ang Lady Knights na may 13 points, habang nag-ambag si Cha Cuñada ng 12 points.

Nagbida si Verzosa para sa JRU sa second set sa pagtarak ng 16-12 lead at nalusutan ang late rally ng Letran makaraang gumawa si Urmenata ng attack error na sinundan ng service ace ni setter Jerry Lyn Laurente.

Magaan na kinuha ng Lady Bombers ang sumunod na dalawang sets upang mamayani sa two-hour, six-minute match.

Ipinaramdam ni Marianne Alona, ang bagong libero ng JRU, ang kanyang presensiya sa pagkamada ng 19 digs at 5 receptions habang gumawa si Laurente ng 23 excellent sets na sinamahan ng dalawang service aces.