LADY SPIKERS, LADY BULLDOGS MAGKAKASUBUKAN

Standings                            W    L

UST                       2     0

NU                        2     0

DLSU                    2     0

UP                                        2     0

FEU                       0     2

Ateneo                 0     2

UE                         0     2

AdU                      0     2

 

Mga laro ngayon:

(Mall of Asia Arena)

10 a.m. – UST vs UP

12 noon – FEU vs UE

4 p.m. – DLSU vs NU

6 p.m. – AdU vs Ateneo

SA KABILA na dala-dala ang isang pamilyar na  last name at pagiging second-generation La Salle student-athlete, ayaw ni middle blocker Fifi Sharma na magpadala sa pressure.

Sa halip, nais ng anak ni Carlo, na naging bahagi ng UAAP men’s basketball four-peat team ng Green Archers noong 2001, na ang kanyang laro ang magsalita sa kanyang layuning makatulong para maibalik ang  Lady Spikers sa ibabaw.

“I think I don’t wanna give myself too much pressure basta we practice every day and we train ayun ‘yung ipakikita ko sa game,” sabi ng 21-anyos na si Sharma.

“I don’t want to put unnecessary pressure on myself,” dagdag pa niya.

Makaraang magkasunod na talunin ang titleholder Ateneo at Adamson, mahaharap ngayon ang La Salle sa acid test sa pagsagupa sa wala pa ring talong National University sa potential women’s volleyball Finals preview sa alas-4 ng hapon sa Mall of Asia Arena.

Ang Lady Bulldogs ay may ipinagmamalaking middles na maaaring itapat sa Lady Spikers frontline nina Sharma at Thea Gagate sa katauhan nina Ivy Lacsina at Sheena Toring.

Gigil na si Sharma na ipakita kung ano ang kanilang pina-practice upang mapanatiling walang dungis ang marka ng La Salle.

“Alam naman namin na kaya namin, magpa-practice lang kami and ipakikita namin kung ano talaga ‘yung tine-training namin,” sabi ni Sharma.

“Lahat kami super excited kami to play kasi gusto namin ipakita kung ano talaga ‘yung pina-practice namin,” dagdag pa niya.

Sa isa pang showdown ng undefeated teams,  maghaharap ang University of Santo Tomas at University of the Philippines sa unang laro ng quadrupleheader sa alas-10 ng umaga.

Apat na koponan na sinimulan ang  season sa 0-2 ang magtatangkang makapasok sa win column.

Magsasalpukan ang Blue Eagles at ang Lady Falcons sa  nightcap sa alas-6 ng gabi, habang magtutuos ang unpredictable Far Eastern University at University of the East sa alas-12 ng tanghali.