LADY STAGS NAUDLOT SA FINAL 4

Standings W L
*CSB 8 0
*Arellano 7 1
SSC-R 5 3
JRU 4 4
LPU 4 4
Mapua 4 4
San Beda 2 6
Perpetual 2 6
EAC 2 6
Letran 2 6
*Final Four

Mga laro ngayon:
(Paco Arena)
12 noon – Arellano vs CSB
2:30 p.m. – EAC vs Mapua

HUMABOL ang Lyceum of the Philippines University mula sa five-point deficit sa deciding set upang gapiin ang San Sebastian, 25-27, 25-22, 16-25, 25-18, 15-13, at manatiling buhay ang Final Four bid sa NCAA women’s volleyball tournament kahapon sa Paco Arena.

Binura ng 6-0 run ng Lady Pirates ang 7-2 bentahe ng Lady Stags upang kunin ang trangko.

Tabla ang laro sa 13-13, umiskor si setter Venice Puzon ng go-ahead drop ball at kumana ng match-clinching service ace para sa LPU.

“Lahat ng games, learning experience,” sabi ni first-year Lady Pirates coach Cromwel Garcia. “Konting push pa para ma-achieve namin ‘yung goal to make it to the Final Four.”

Umangat ang LPU, hindi pa pumapasok sa Final Four magmula nang lumahok sa liga noong 2011, sa 4-4 upang makatabla ang walang larong Mapua at ang Jose Rizal University, na naitala ang 25-19, 25-16, 25-19 victory kontra sibak nang San Beda, sa fourth spot.

Nagbuhos si Denise Dolorito ng 18 points at 12 digs, kumana si Janeth Tulang ng 3 blocks para sa 16-point outing, habang umiskor sina Zonxi Dahab at Jewel Maligmat ng tig-12 points para sa Lady Pirates.

Nagpakawala rin si Puzon ng tatlong service aces, gumawa ng 24 excellent sets at kumolekta ng 13 digs.

Sa pagkatalo – ang ikatlo sa walong laro – ay naudlot ang pagmartsa ng San Sebastian sa Final Four.

Tumipa si Kat Santos ng 18 points, kabilang ang tatlong service aces, habang bumanat si Tina Marasigan ng 14 kills para sa Lady Stags.

Humataw si Kia Melgar ng 2 blocks upang tumapos na may 15 points habang nagdagdag si Dolly Verzosa ng 10 points, 7 digs at 7 receptions para sa Lady Bombers.