KUMANA si Anthony Davis ng game-high 37 points sa 14-for-21 shooting upang pangunahan ang Los Angeles Lakers sa 101-90 pagbasura sa host Chicago Bulls noong Sabado ng gabi.
Umangat ang Los Angeles sa perfect 9-0 sa road. Nagposte si LeBron James ng double-double na may 17 points at 11 re-bounds para sa Lakers, na nanalo sa ika-7 pagkakataon sa nakalipas na walong laro.
Tumapos si Zach LaVine na may 21 points at 10 rebounds para sa Bulls, na naputol ang three-game winning streak. Nagposte si Coby White ng 14 points, habang umiskor din sina Patrick Williams (13) at Lauri Markkanen (12) ng double digits.
Tinalo ng Los Angeles ang Chicago sa ikalawang pagkakataon ngayong buwan, kasunod ng 117-115 panalo sa home court nito noong Enero 8.
NETS 128, HEAT 124
Tumirada si Kevin Durant ng 31 points at nalusutan ng Brooklyn Nets ang ilang ulit na paghahabol ng Miami Heat at ang career-high 41-point night ni Bam Adebayo tungo sa panalo,
Nagdagdag si Kyrie Irving ng 18 sa kanyang 28 points sa fourth, kabilang ang 10 sa huling 2:41. Gumawa si Joe Harris ng 23 points at napantayan ang career-high na may pitong 3-pointers.
Nakaiskor lamang si James Harden sa fourth quarter at tumapos na may 12 points at 11 assists para sa Brooklyn na bumuslo ng 53.7 percent, napantayan ang season best na may 19 3-pointers, at kumolekta ng season-high 34 assists.
Nahigita ni Adebayo ang kanyang naunang career high na 30 points na naitala noong Dec. 10, 2019 at kumonekta ng 14 of 20 shots ngunit hindi nakaiskor sa huling 5 1/2 minuto.
Nagdagdag si Goran Dragic ng 19 habang tumapos sina Duncan Robinson at Kendrick Nunn na may tig-18 para sa Heat na bumuslo ng 70 percent sa fourth at 47.2 percent overall.
JAZZ 127, WARRIORS 108
Umakyat si Steph Curry sa No. 2 sa NBA’s all-time 3-pointers list, ngunit iyon lamang ang pinakamagandang nangyari sa Golden State Warriors na nalasap ang 127-108 blowout loss laban sa Utah Jazz sa Salt Lake City.
Pinangunahan ni Donovan Mitchell ang balanced at explosive offensive performance para sa red-hot Jazz — na umabante sa buong laro ng hanggang 40 — na may 23 points, 7 rebounds at 6 assists sa 27 minutong paglalaro.
Limang iba pang players ang umiskor ng double-figures para sa Jazz, na nakopo ang ika-8 sunod na panalo.
TIMBERWOLVES 120, PELICANS 110
Nagbuhos si Naz Reid ng 20 points upang pangunahan ang anim na Minnesota players sa double figures nang pataubin ng kulang sa taong Timberwolves ang New Orleans Pelicans.
Nagdagdag si Anthony Edwards ng 18 points, nakalikom si Jarred Vanderbilt ng 16 points at 11 rebounds, gumawa sina Jarrett Culver at Malik Beasley ng tig-16 at nag-ambag si Jordan McLaughlin ng 11 para sa Timberwolves na nanalo sa ikalawang pagkakataon pa lamang 13 games.
Pumasok ang Minnesota sa laro na may pinakamasamang record sa Western Conference at umiskor ng mas kaunti sa 99 points sa apat sa huling limang laro nito, kabilang ang 116-98 home loss sa Atlanta noong Biyernes.
Naglaro ang Timberwolves noong Sabado na wala sina Karl-Anthony Towns at Juancho Hernangomez, na na-sideline dahil sa COVID protocols, at D’Angelo Russell, na nagpapahinga.
Umiskor si Brandon Ingram ng 30 points, at nagdagdag sina Eric Bledsoe ng 28, Zion Williamson ng 19 points at 11 rebounds, Lonzo Ball ng 11 points at Nickeil Alexander-Walker ng 10 points para sa Pelicans na tumapos na 1-5 sa kanilang road trip.
76ERS 114, PISTONS 110
Kumamada si Joel Embiid ng 33 points at 14 rebounds upang pangunahan ang Philadelphia 76ers laban sa host Detroit Pistons.
Nag-ambag si Ben Simmons ng 20 points, 9 rebounds, 7 assists at 3 steals, habang umiskor si Tobias Harris ng 17 points para sa Sixers. Nagposte si Seth Curry ng 14 points para sa Philadelphia na nanalo ng tatlong sunod.
Pinangunahan ni Wayne Ellington ang pitong Pistons sa double figures na may 17 points. Nag-ambag sina Svi Mykhai-liuk ng 15 points at Sekou Doumbouya ng 13.
Nalimitahan si Jerami Grant sa 11 points sa 3-for-19 shooting. Gumawa si Grant ng 20 o higit pa para sa 14 sunod na laro.
Sa iba pang laro ay tinalo ng Denver Nuggets ang Phoenix Suns, 120-112, sa double overtime at tinambakan ng Houston Rockets ang Dallas Mavericks,133-108.
Comments are closed.