NAGBUHOS si Carmelo Anthony ng 23 points at nagdagdag si Russell Westbrook ng 20 points, 9 assists at 8 rebounds nang pataubin ng Los Angeles Lakers ang bisitang Houston Rockets, 95-85, nitong Linggo.
Nakalikom si LeBron James ng 15 points, 8 assists at 7 rebounds para sa Lakers, na umabante ng hanggang 28. Muling maghaharap ang dalawang koponan sa Staples Center sa Martes.
Naipasok ni Anthony ang 5 sa 8 attempts mula sa 3-point range sa loob ng 25 minuto at may average na 25.0 points sa kanyang huling tatlong home games. Nagtala si Anthony Davis ng 16 points at 13 rebounds.
Tumipa si Eric Gordon ng 17 points para sa Houston at nag-ambag si Christian Wood ng 16 points at 13 rebounds. Gumawa ang Rockets ng season-high 25 turnovers habang bumuslo ng 21.4 percent (6 of 28) mula sa arc.
Naisalpak ni Anthony ang 3 sa 4 3-point attempts sa first quarter upanh tulungan ang Lakers na kunin ang 27-15 lead.
HORNETS 125,
BLAZERS 113
Tumirada si LaMelo Ball ng 27 points at nagdagdag si Kelly Oubre Jr. ng 26 mula sa bench upang tulungan ang host Charlotte Hornets na maitakas ang 125-113 panalo kontra Portland Trail Blazers.
Kumalawit din si Ball ng 9 rebounds at 7 assists upang tampukan ang performance na kabaligtaran ng huling dalawang laro. Ang reigning NBA Rookie of the Year ay may kabuuan lamang na 13 points sa 5-of-28 shooting mula sa floor sa panalo kontra Orlando noong Miyerkoles at sa pagkatalo sa Miami noong Biyernes.
Gumawa si Oubre ng anim na 3-pointers at nagtala si Ball at ang nagbabalik na si Terry Rozier ng tig-4 para sa Charlotte, na kumamada ng 20 of 42 mula sa arc (47.6 percent). Lumiban si Rozier sa naunang apat na laro dahil sa sprained ankle.
Umiskor si C.J. McCollum ng 25 points at tumapos si Anfernee Simons na may 19 mula sa bench para sa Trail Blazers, na naputol ang two-game winning streak.
Nakakolekta si Damian Lillard ng 14 points at 12 assists, habang kumabig si Jusuf Nurkic ng 13 points at 14 rebounds para sa Portland.
JAZZ 107,
BUCKS 95
Bumanat si Donovan Mitchell ng 28 points, kabilang ang 11 sa fourth quarter, at tumabo si Mike Conley Jr. ng 20 points sa kanyang pagbabalik sa lineup nang gapiin ng bisitang Utah Jazz ang Milwaukee Bucks, 107-95.
Nanguna si Giannis Antetokounmpo para sa Bucks na may 25 points, 7 rebounds at 6 assists, ngunit natalo pa rin ang Milwaukee sa home sa ikatlong pagkakataon sa three-game homestand nito. Hindi naglaro si Kris Middleton dahil sa non-COVID-19 illness.
Sa iba pang laro, gumawa si Kevin Durant ng 23 points bago napatalsik dahil sa flagrant foul sa huling bahagi ng third quarter nang madominahan ng host Brooklyn Nets ang Detroit Pistons, 117-91.
Pinigilan ni Luka Doncic ang late rally ng Sacramento Kings sa pamamagitan ng 3-pointer upang tampukan ang game-high 23-point performance at bumawi ang host Dallas Mavericks sa embarrassing loss sa Denver, dalawang araw pa lamang ang nakalilipas, para sa 105-99 panalo.