NAGTUWANG sina Damian Lillard at CJ McCollum ng 49 points, at napantayan ni Nik Stauskas ang kanyang career high na may 24 points sa kanyang unang pagsalang para sa Portland upang pangunahan ang Trail Blazers laban sa bumibisitang Los Angeles Lakers, 128-119, noong Huwebes ng gabi sa season opener ng dalawang koponan.
Nagbuhos si LeBron James ng 26 points, 12 rebounds at 6 assists sa kanyang unang laro bilang Lakers. Nagdagdag si Josh Hart ng 20 points para sa Lakers, na nakakuha ng 13 points at 11 assists mula kay Rajon Rondo sa kanyang team debut.
Bumuslo ang Los Angeles ng 48.4 percent mula sa field subalit 7 of 30 lamang sa 3-point attempts.
Umiskor si Lillard ng 28 points, nag-ambag si McCollum ng 21, at tumipa si Jusuf Nuric ng 16 points at 9 rebounds sa loob lamang ng 17 minuto para sa Trail Blazers. Nagwagi ang Portland sa kanilang home opener para sa NBA-record na ika-18 sunod at napalawig ang kanilang streak ng consecutive victories laban sa Lakers sa 16 mula pa noong 2013.
HEAT 113, WIZARDS 112
Isinalba ng go-ahead basket ni Kelly Olynyk sa huling 0.2 segundo ng laro ang Miami Heat laban sa Washington Wizards.
Nakuha ni Olynyk ang bola matapos magmintis ang turnaround jumper ni Dwyane Wade, at agad itong ipinasok para maitakas ng Heat ang panalo at makabawi sa pagkatalo sa Orlando Magic sa kanilang season opener kamakalawa.
Nagpasabog si Josh Richardson ng 28 points para sa Miami, at nagdagdag si Rodney McGruder ng 20.
Si Wade ay gumawa lamang ng 9 points sa 26 minutong paglalaro.
Nagbida naman si John Wall para sa Wizards sa kinamadang 26 markers at 9 rebounds.
76ERS 127, BULLS 108
Tumirada si Ben Simmons ng triple-double na may 13 points, 13 rebounds at 11 assists, at walong Philadelphia players ang umiskor ng double figures sa panalo laban sa bumibisitang Chicago.
Nagsalansan si Joel Embiid ng 30 points at 12 rebounds para sa kanyang ikalawang sunod na double-double para sa 76ers, na nakabawi mula sa season-opening, 18-point loss sa Boston noong Martes. Nagdagdag si Robert Covington ng 20 para sa Philadelphia.
Nanguna si Zach LaVine para sa Bulls na may 30 points habang nagdagdag si Bobby Portis ng 20 points at 11 rebounds.
Comments are closed.