NAITALA ni LeBron James ang 22 sa kanyang game-high 26 points sa first half upang tulungan ang Los Angeles Lakers na iposte ang kanilang ikalawang runaway victory laban sa Houston Rockets, 117-100, sa parehong bilang ng laro kahapon sa Toyota Center sa Houston.
Napantayan ng Lakers, na umabante ng hanggang 27 points sa kanilang 120-108 panalo noong Linggo, ang naturang bentahe sa 3-pointer ni Kentavious Caldwell-Pope sa 3:16 mark ng second quarter.
Nagtala si James ng 4 of 9 3-pointers at nagdagdag ng 8 rebounds at 5 assists. Sinamahan si James ng limang iba pang Lakers na may double figures, kabilang si Anthony Davis na nakalikom ng 19 points, 10 rebounds at 5 blocked shots sa loob lamang ng 29 minuto.
Nagtuwang ang starting backcourt nina Dennis Schroeder at Caldwell-Pope para sa 28 points sa 11-for-18 shooting na may 6 rebounds at 4 steals.
PACERS 104, WARRIORS 95
BINASAG ng ikatlong 3-pointer ni Myles Turner ang late tie at ginapi ng Indiana Pacers ang Golden State Warriors.
Naglalaro sa ikalawang gabi ng back-to-back set, pinutol ng Indiana ang two-game losing streak nang ma-outscore ang Warriors sa fourth quarter na tinampukan ng anim na pagtatabla at tatlong pagpapalitan ng kalamangan.
Umiskor lamang ang Golden State, sumasakay sa two-game winning streak sa huling gabi ng seven-game homestand, ng limang puntos makaraang bigyan ng hoop ni Stephen Curry ang hosts ng 90-88 lead, may 5:05 sa orasan.
SPURS 112, THUNDER 102
Nagbuhos si Lonnie Walker IV ng 24 points upang pangunahan ang San Antonio Spurs sa panalo kontra host Oklahoma City Thunder.
Ito ang ikalawang sunod na big scoring game para kay Walker, na pinunan ang pagkawala ni DeMar DeRozan sa pagtatapos ng road trip.
Si DeRozan ay hindi naglaro sa ikalawang sunod na pagkakataon dahil sa personal reasons — ang alagaan ang kanyang ama.
76ERS 137, HEAT 134
Naiposte ni Joel Embiid ang 35 sa kanyang 45 points sa second half at overtime upang bitbitin ang host Philadelphia 76ers sa panalo kontra Miami Heat.
Si Embiid ay 13 of 13 mula sa free throw line, kabilang ang dalawa, may 8.9 segundo ang nalalabi sa overtime, kumalawit ng 16 rebounds, at nagbigay ng 4 na assists.
Napantayan ni Danny Green ang franchise record na siyam na 3-pointers tungo sa pagtala ng 29 points at 10 rebounds. Nagdagdag sina Mike Scott at Tyrese Maxey ng tig- 16 points para sa Sixers na pinutol ang three-game losing streak.
NETS 122, NUGGETS 126
Kumamada si Kevin Durant ng 33 points, 13 assists at 9 rebounds at binura ng Brooklyn Nets ang 18-point deficit upang pataubin ang Denver Nuggets.
Sa kabuuan ay bumuslo si Durant ng 12-for-18 mula sa floor. Umiskor siya ng 14 points sa third quarter, nang burahin ng Nets ang 79-61 lead sa final nine-plus minutes.
Nagdagdag si Caris LeVert ng 20 points at naiposte ni Bruce Brown ang anim sa kanyang 16 points sa fourth quarter, kabilang ang baseline 10-footer na bumasag sa 113-113 deadlock, may 1:44ang nalalabi. Nag-ambag si Joe Harris ng 15 points para sa Nets, na bumuslo ng 60.8 percent sa kanilang ikaapat na sunod na laro na wala si Kyrie Irving dahil sa personal reasons.
Comments are closed.