NAGPASABOG si LeBron James ng 27 points, 12 rebounds at 10 assists upang pangunahan ang Los Angeles Lakers sa 128-113 pagbasura sa Brooklyn Nets noong Huwebes ng gabi sa New York.
Ipinoste ni James ang kanyang 91st career triple-double at 10th ngayong season habang nagwagi ang Lakers sa ika-12 sunod na pagkakataon sa 14 laro sa harap ng crowd na tinampukan ni dating US President Bill Clinton at ng maraming Los Angeles fans.
Naipasok ni James ang 11 sa 19 na tira mula sa floor kung saan nagsalpak ang Lakers ng 50 percent overall ayt kumamada ng season-high 19 3-pointers.
Tinapos ni James ang laro sa 33,626 points, 17 sa likod ni Kobe Bryant para sa ikatlong puwesto sa all-time scoring list. Ang kanyang unang tsansa na malagpasan si Bryant ay sa Sabado sa Philadelphia.
Nagdagdag si Anthony Davis ng 16 points at 11 rebounds upang tulungan ang Lakers sa 52-41 rebounding margin. Nag-ambag din si Kyle Kuzma ng 16 at nakakuha ang Lakers ng 55 points mula sa kanilang bench.
Nagtala rin si Dwight Howard ng double-double na may 14 points at 12 rebounds habang bumanat si Danny Green ng apat na 3-pointers at nag-ambag ng 14 points.
Umiskor si Kyrie Irving ng 20 points subalit hindi ito sapat para mapigilan ang Nets sa paglasap ng ika-5 sunod na kabiguan at bumagsak sa 2-12 sa kanilang huling 14 laro.
Nagdagdag si Taurean Prince ng 18 habang gumawa si Caris LeVert ng 16 para sa Nets na natalo sa kabila ng pagsalpak ng 21 3-pointers.
WASHINGTON 124,
CAVALIERS 112
Nagbuhos si Bradley Beal ng 36 points nang gapiin ng bisitang Washington Wizards ang Cleveland Cavaliers noong Huwebes.
Naipasok ni Beal ang 15 sa 22 shots, isang gabi makaraang magtala ng 16 of 24 sa 38-point performance sa 134-129 overtime loss ng Wizards sa Miami.
Tumipa si Davis Bertans ng 17 points upang maiganti ang masamang performance sa 113-100 kabiguan ng Washington sa Cleveland noong Nov. 8. Si Bertans ay nakapagpasok lamang ng 2 sa 10 tira sa naturang laro, kabilang ang 1 of 8 mula sa 3-point range.
Nag-ambag si Ish Smith ng 17 points para sa Wizards, na bumuslo ng 55.3 percent mula sa field (47 of 85) at 44.4 percent mula sa 3-point range (16 of 36) upang umangat sa 6-18 sa road ngayong season.
Tampok sa 29-point performance ni Collin Sexton ang pagsalpak sa 10 sa 15 tira mula sa floor para sa Cavaliers, na natalo ng anim na sunod at 11 sa kanilang huling 13 games.
Ngatala si Larry Nance Jr. ng career-high-tying 22 points at kumalawit ng 12 rebounds habang nagdagdag si Kevin Love ng 21 points para sa Cleveland.
Tinapyas ng Cavaliers ang 20-point deficit sa third quarter sa siyam sa 101-92, may 9:52 ang nalalabi sa fourth, subalit sumagot si Smith ng pares ng jumpers upang sindihan ang 9-3 run sa sumunod na tatlong minuto.