NAGBUHOS si Kyle Kuzma ng 32 points upang tulungan ang Los Angeles Lakers na maitakas ang 138-128 overtime win laban sa host Oklahoma City Thunder noong Huwebes ng gabi.
Kumana si Kuzma ng pitong 3-pointers, at bumanat si Los Angeles’ Ivica Zubac ng career-high 26 points at 12 rebounds. Nagdagdag si Lonzo Ball ng 18 points, kabilang ang lima sa overtime nang ma-outscore ng Lakers ang Oklahoma City, 16-6, at nagbigay ng 10 assists.
Natalo ang Thunder sa ika-5 pagkakataon sa anim na laro. Naitala ng Lakers ang ikalawang sunod na panalo at umangat sa 5-7 na wala sina LeBron James (groin) at Rajon Rondo (hand).
Nanguna si Paul George para sa Thunder na may 27 points, habang nag-ambag si Russell Westbrook ng 26 points at 13 assists subalit bumuslo lamang ng 7 of 30 mula sa field.
RAPTORS 111, SUNS 109
Naipasok ni Pascal Siakam ang isang layup sa buzzer at naungusan ng Toronto ang bumibisitang Phoenix. Tumapos si Siakam na may 10 points at 12 rebounds.
Tumipa si Kyle Lowry ng 16 points, 9 rebounds at 8 assists para sa Raptors. Nagdagdag si Serge Ibaka ng 22 points.
Umiskor si Devin Booker ng 30 points para sa Suns, habang nagdagdag si Deandre Ayton ng 15 points at 17 rebounds at gumawa si Kelly Oubre, Jr. ng 18 points at 9 rebounds mula sa bench.
NUGGETS 135, BULLS 105
Naitala ni Jamal Murray ang 22 sa kanyang 25 points sa third quarter, tumirada si Nikola Jokic ng 18 points, 11 assists at 8 rebounds, at ginapi ng host Denver ang Chicago. Ang Nuggets ay galing sa 142-111 home loss sa Golden State noong Martes kung saan nagtala ang Warriors ng NBA record para sa points sa first quarter na may 51.
Tumapos si Paul Millsap na may 14 points, at gumawa si Gary Harris, nagbalik mula sa limang larong pagkawala dahil sa strained left hamstring, ng 14 mula sa bench para sa Denver.
Tumipa si Lauri Markkanen ng 27 points at 10 rebounds, nagdagdag si Robin Lopez ng 17 points at kumamada si Jabari Parker ng 15 para sa Chicago, na natalo ng siyam na sunod at hindi pa nakakatikim ng panalo sa 2019 calendar year.
Sa iba pang laro ay nilampaso ng Sixers ang Pacers, 120-96; pinayuko ng Hornets ang Kings, 114-95; at naungusan ng Wizards ang Knicks, 101-100.
Comments are closed.