NAGBUHOS si LeBron James ng 20 points at gumawa sina Jason Hart at Kentavious Caldwell-Pope ng tig-apat na 3-pointers upang tulungan ang Los Angeles Lakers na pataubin ang Memphis Grizzlies, 111-88, sa road game noong Sabado.
Tumapos si James na may 8 rebounds, 9 assists at isang dumadagundong na third-period dunk na sumira sa anumang pag-asa ng Grizzlies na makabalik sa laro.
Naitala ng Los Angeles ang 68-40 kalamangan sa kaagahan ng third quarter nang bumanat ang Grizzlies ng 12-0 run. Tinapos ni Caldwell-Pope ang tagtuyot ng Lakers sa pamamagitan ng isang tres, subalit natapyas ng Memphis sa 17 ang bentahe, 73-56, sa dalawang free throws ni Garrett Temple.
Subalit muling sumagot si Caldwell-Pope ng isang 23-foot, 3-pointer na nagbigay ulit sa Lakers ng 20 kalamangan at sinindi-han ang 11-0 run at ang 84-56 lead ng Los Angeles.
Tumipa si Caldwell-Pope ng 16 points mula sa bench. Nagdagdag si Hart ng 16 at kumamada si Kyle Kuzma ng 20 points, 9 rebounds at 6 assists.
BLAZERS 113, TIMBERWOLVES 105
Umiskor si Damian Lillard ng 28 points, humugot ng 8 rebounds at nagbigay ng 6 assists nang dispatsahin ng Portland Trail Blazers ang bumibisitang Minnesota Timberwolves noong Sabado ng gabi.
Nag-ambag si Jusuf Nurkic ng 22 points, 11 rebounds, 4 blocks, 4 assists at 3 steals at nakopo ng Trail Blazers, na naitala ang huling 10 points makaraang maghabol sa 105-103, ang ikalawang sunod na panalo.
Tumipa si Andrew Wiggins ng 20 points, nakalikom si Karl-Anthony Towns ng 19 points at 10 rebounds at nagdagdag si Derrick Rose ng 18 points at 9 assists para sa Timberwolves, na nagwagi ng siyam sa kanilang huling 12 laro.
CELTICS 133,
BULLS 77
Kumana si Daniel Theis ng career-high 22 points at sinimulan ng Boston ang laro sa 17 sunod na puntos upang tambakan ang Chicago Bulls noong Sabado ng gabi.
Umiskor si Jaylen Brown ng team-best 23 points mula sa bench at naipasok ni Jayson Tatum ang lahat ng apat na 3-point at-tempts at gumawa ng 18 points.
Nagdagdag si Terry Rozier ng 15 points, nagposte sina Kyrie Irving at Semi Ojeleye ng tig-13 at gumawa si Marcus Morris ng 12 para sa Boston.
Bumira si Shaquille Harrison ng career-best 20 points, nagdagdag si Zach LaVine ng 11 at kumolekta si Cameron Payne ng 10 para sa Bulls, na nalasap ang ika-8 kabiguan sa kanilang huling siyam na laro.
CAVALIERS 116, WIZARDS 101
Nagpakawala si Collin Sexton ng 29 points, tumipa si Tristan Thompson ng 23 points at 19 rebounds at ginapi ng Cleveland Cavaliers ang bumibisitang Washington Wizards noong Sabado ng gabi.
Kumamada si Alec Burks ng 14 points para sa Cavaliers.
Nagbuhos si Bradley Beal ng 27 points, at nagdagdag sina reserve Jeff Green ng 17 at Otto Porter, Jr. ng 15 para sa Wizards, na nanalo ng tatlong sunod.
Sa iba pang laro ay nadagit ng Hawks ang Nuggets, 106- 98 at pinabagsak ng Mavericks ang Rockets, 107-104.
Comments are closed.