BINALIKAT ng magkasanib na puwersa nina Lebron James at Anthony Davis ang panalo ng LA Lakers kontra Atlanta Hawks, 107-99, noong Lunes ng gabi (Martes ng umaga sa Manila).
Bahagyang nagkaroon ng tensiyon sa ikaapat na yugto ng labanan matapos na magkaroon ng maikling komprontasyon si James sa isang babaeng fan, dahilan para panandaliang ihinto ng mga referee ang laro.
Inilabas ng mga security officer ang fan na nakaalitan ni James sa gitna ng mga pinayagang manonood na tinatawag na social distance fans kung saan may limitadong bilang lamang ng mga manonood ang maaaring makapasok sa venue.
Isang malupit na 16-0 run ang pinakawalan ng Lakers sa third quarter ng laro hanggang sa pagsapit ng fourth quarter.
Tumipa si Davis ng kabuuang 25 puntos para sa Lakers habang nag-ambag si James ng 21 puntos.
Sumandig ang Hawks kay Trae Young na kumamada ng 25 puntos ngunit hindi ito sumapat sa determinasyon ng Lakers na kontrolin ang laro.
HORNETS 129,
HEAT 121
Rumatsada ng 36 puntos si Malik Monk upang itala ang kanyang career high at pangunahan ang Charloote Hornets sa 129-121 panalo kontra Miami Heat sa overtime.
Siyam na 3-point shots ang ipinukol ni Monk upang agawin ang panalo sa Heat.
Dominado ng Heat ang regulation period matapos na magpakawala ng mga 3-pointers ang kanilang mga key player ngunit ang opensa at depensa na ipinamalas ni Monk ang nagtulak sa overtime period hanggang sa gamitin ito ng Hornets upang hiyain ang katunggali.
Ang pambato ng Heat na si Max Strus ay tumipa lamang ng 14 puntos sa unang yugto ng labanan at agad na napatalsik sa regulation .
CAVALIERS 100,
TIMBERWOLVES 98
Nasingitan ng Cleveland Cavaliers ang Minnesota Timberwolves, 100-98.
Pinangunahan ni Collin Sexton ang Cavaliers na may kabuuang 26 puntos katuwang si Jarrett Allen na nagbuhos ng season-high 23 points at 18 rebounds.
Nagtala ang Cavaliers ng 41.7 percentage sa field goal laban sa 39.2 percent lamang ng Timberwolves.
Nakatuwang ni Sexton sina Jarret Allen na may 23 puntos at Darius Garland na nakalikom ng 19 puntos at 11 assists.
Sa panig ng Timberwolves ay nanguna si D’Angelo Russell na may 18 puntos.
BUCKS 134,
BLAZERS 106
Magkatuwang na binigyan ng panalo nina Jrue Holiday at Bobby Portis ang Milwaukee Bucks kontra Portland Trail Blazers, 134-106 sa kanilang naging paghaharap.
Gumawa ng 22 puntos si Holiday habang 21 puntos naman ang kinamada ni Portis upang isilid ang ikalawang sunod na panalo ng Bucks.
Hindi naman umubra ang 30 puntos na naiposte. ni Nassir Little para sa Blazers na bumagsak sa 10-9 record..
Sa iba pang laro ay minasaker ng Rockets ang Thunder, 136-106; ginapi ng Bulls ang Knicks, 110-102; namayani ang Kings sa Pelicans, 118-109; pinataob ng Grizzlies ang Spurs, 133-102 at naungusan ng Suns ang Mavericks, 109-108.
Comments are closed.