NAGBUHOS si Kyle Lowry ng 33 points, 14 rebounds at 6 assists upang pangunahan ang Toronto Raptors sa 107-92 panalo laban sa Los Angeles Lakers noong Sabado sa The Arena malapit sa Orlando.
Naisalpak ni Lowry ang lima sa siyam na 3-pointers at walo sa 16 shots mula sa floor. Tumipa si OG Anunoby ng 23 points at nag-ambag sina Pascal Siakam ng 15 points at 9 rebounds, at Fred VanVleet ng 13 points at 11 assists para sa Raptors.
Nagbida si LeBron James para sa Lakers na may 20 points at 10 boards. Nagdagdag si Kyle Kuzma ng 16 points at gumawa si Anthony Davis ng 14 points sa 2-of-7 shooting. Kumabig si Dion Waiters ng 12 points, habang tumapos si Alex Caruso na may 11.
Tinalo ng Raptors ang Lakers sa ika-11 sunod na pagkakataon. Hindi pa sila natatalo sa Los Angeles magmula noong Nob. 30, 2014.
Naging sandigan ng Toronto (47-18) ang 10-0 run sa fourth quarter para sa 93-83 kalamangan matapos ang dunk ni Anunoby at ang 3-pointer ni VanVleet, may 4:52 ang nalalabi. Natapyas ng Los Angeles (50-15) ang bentahe sa pito bago lumayo ang Toronto.
Sa iba pang laro ay kumana si T.J. Warren ng career-high 53 points upang pangunahan ang Indiana Pacers laban sa bisitang Philadelphia 76ers, 127-121.
Si Warren ay 20-of-29 mula sa field, kabilang ang 9-of-12 sa 3-point area. Ang dating career-high ni Warren ay 40.
Tumirada si Aaron Holiday ng 15 points at 10 assists at nagdagdag si Victor Oladipo ng 15 points para sa Pacers, na umangat sa 40-26 sa kabila na naglaro na wala ang mga key injured player tulad nina Domantas Sabonis at Malcolm Brogdon.
Hindi nakapaglaro si ladipo sa naunang 52 games dahil sa knee at quad issues.
Nagpasiklab si Joel Embiid para sa Sixers (39-27) na may 41 points, 21 rebounds, 4 assists at 3 blocked shots. Ito ang kanyang ika-4 na laro ngayong season na may hindi bababa sa 30 points at 15 rebounds. Umiskor si Tobias Harris ng 30 points at nagdagdag si Ben Simmons ng 19 points at 13 rebounds.
Comments are closed.