NAGBUHOS si Damian Lillard ng 31 points at nagdagdag si Gary Trent Jr. ng 28 upang pangunahan ang bisitang Portland Trail Blazers sa 115-107 panalo laban sa Los Angeles Lakers noong Lunes ng gabi.
Mula sa bench ay nagsalpak si Trent ng 10 sa 14 tira, kabilang ang 7 sa 11 mula sa 3-point area. Naipasok ni Lillard ang kalahati sa kanyang 10 3-point attempts.
Nag-ambag si CJ McCollum ng 20 points at 11 rebounds para sa Portland. Nakakolekta si Enes Kanter ng 12 points at 14 rebounds habang nagdagdag si Jusuf Nurkic ng10 points at 12 boards.
Nakalikom si LeBron James ng 29 points, 9 rebounds at 6 assists para sa Lakers, na sumalang sa ikalawang sunod na gabi.
Tumipa si Dennis Schroder ng 24 points, umiskor si Kentavious Caldwell-Pope ng 14 at tumapos si Anthony Davis, na bumalik mula sa one-game absence dahil sa calf injury, na may 13 points at 10 rebounds.
NUGGETS 124,
ROCKETS 111
Kumabig si Nikola Jokic ng19 points, 18 assists at 12 rebounds at gumawa si Jamal Murray ng 21 points nang bombahin ng host Denver Nuggets ang kulang sa player na Houston Rockets.
Nahigitan ni Jokic ang kanyang naunang career high na 17 assists na naitala noong Feb. 15, 2018, sa Milwaukee. Tumapos siya na may 43rd career triple-double upang pantayan si Fat Lever para sa franchise record.
Umiskor din si Paul Millsap ng 19 points, nagtala si Michael Porter Jr. ng 14 points at 9 rebounds, kumana si Gary Harris ng14 points, nagdagdag si Monte Morris ng 12 at tumirada si Will Barton ng 11 para bigyan ang Denver ng pitong players na may double figures.
Kumamada si James Harden ng 34 points, 8 assists at 6 rebounds, nag-ambag si Christian Wood ng 23, gumawa si David Nwaba ng 14 at tumipa si Sterling Brown ng 12 para sa Houston, na nalasap ang kabiguan sa unang dalawang laro makaraang makansela ang kanilang opener dahil sa COVID-19 issues.
Naglaro ang Rockets na may siyam na players lamang dahil sa coronavirus issues. Sina Ben McLemore at Kenyon Martin Jr. ay naka-self-isolate makaraang magpositibo sa COVID-19 habang sina DeMarcus Cousins, John Wall, Eric Gordon at Mason Jones ay naka-quarantine hanggang sa Miyerkoles.
GRIZZLIES 116,
NETS 111
Naipasok ni Brandon Clarke ang go-ahead tip-in, may 38.6 segundo ang nalalabi sa overtime, at natakasan ng bisitang Memphis Grizzlies ang kulang sa taong Brooklyn Nets.
Kapwa malamig ang dalawang koponan sa overtime, ngunit binigyan ni Clarke ang Memphis ng kalamangan sa 112-111 nang ma-rebound niya ang sablay na layup ni Dillon Brooks at magaan na naipasok ang putback. Ang go-ahead basket ni Clarke ay naganap makaraang maipasok ni Caris LeVert ang isang 3-pointer, may 76 segundo ang nalalabi, upang bigyan ang Brooklyn ng 111-110 bentahe.
Sa iba pang laro ay naungusan ng Utah Jazz ang Oklahoma City, 110-109, at ginapi ng Atlanta Hawks ang Detroit Pistons, 128-120.
Comments are closed.