LAKERS PINULBOS ANG MAVERICKS

lakers

NAGBUHOS si LeBron James ng 28 points at nagdagdag si Brandon Ingram ng 19 nang igupo ng Los Angeles Lakers  ang bumibisitang Dallas Mavericks, 114-103.

Humabol ang Lakers mula sa double-digit deficit sa first half at kumalawa sa mga sumunod na yugto upang maitakas ang panalo.

Tumipa si Kyle Kuzma ng 15 points at 12 rebounds at naitala ng Lakers ang back-to-back wins.

Umiskor si Harrison Barnes ng 29 points at nag-ambag si Dwight Powell ng 17 mula sa bench para sa Mavericks, na naputol ang three-game winning streak.

ROCKETS 136,

SPURS 105

Kumolekta si Clint Capela ng 27 points sa 12-of-16 shooting at humugot ng 12 rebounds sa loob lamang ng tatlong quarters nang tambakan ng bumibisitang Houston Rockets  ang San Antonio Spurs.

Pinutol ng Rockets ang four-game losing streak. Abante ang Houston sa 70-47 sa halftime at hindi na lumi­ngon pa.

Ito ang ikalawang sunod na pagkatalo ng Spurs, na ginapi ng Minnesota, 128-89, noong Miyerkoles.

GRIZZLIES 131,

NETS 125 (2OT)

Naitala ni Mike Conley ang 13 sa kanyang season-high 37 points sa ikalawang overtime nang pataubin ng Memphis ang Brooklyn, na napalawig ang  home losing streak sa anim na laro.

Kumana si rookie Jaren Jackson ng career-high 36 points, at ang kanyang 3-pointer, may 15.9 segundo ang nalalabi, ang nag-tabla sa talaan sa 111-111 sa regulation at naipuwersa ang overtime. Natapyas niya ang kalamangan sa tatlo lamang, may 12 segundo na lamang ang nalalabi, sa pagkamada ng four-point play.

Naisalpak ni Conley ang game-tying basket, may 9 segundo ang nalalabi sa unang overtime, upang ilagay ang talaan sa 117-117.

HEAT 106,

PELICANS 101

Tumirada si Josh Richardson ng team-high 20 points, kabilang ang isang krusyal na drive, may 26 se­gundo ang nalalabi, at pinutol ng Miami ang six-game home losing streak sa pamamagitan ng panalo laban sa New Orleans.

Kumana si Pelicans star Anthony Davis ng 41 points, 19 sa third quarter. Ito ang kanyang ikatlong laro na gumawa siya ng hindi bababa sa 40 points ngayong season. Nagdagdag si New Orleans guard Jrue Holiday ng 21 points at 8 assists.

Umabante ang Miami ng hanggang 31 points sa second quarter at hindi na binitiwan ang trangko upang wakasan ang pinaka-mahabang home losing streak nito magmula noong 2008. Nakalapit ang New Orleans ng hanggang tatlong puntos sa huling bahagi ng fourth quarter.

Gumawa si Dwyane Wade ng 18 points mula sa bench.

Sa iba pang laro, na­ungusan ng Nuggets ang Trail Blazers, 113-112;  pinadapa ng 76ers ang Wizards, 123-98; dinispatsa ng Jazz ang Hornets, 119-111;  nilampaso ng Celtics ang Cavaliers, 128- 95; namayani ang Thunder sa Hawks, 124-109; nanaig ang Pis-tons sa Bulls, 107- 88; at pinalamig ng Magic ang Suns, 99- 85.

Comments are closed.