NAITALA ni DeMar DeRozan ang 19 sa kanyang game-high 38 points sa fourth quarter at kumana si Nikola Vucevic ng double-double na 19 points at 13 rebounds upang tulungan ang host Chicago Bulls na maitakas ang 115-110 panalo kontra Los Angeles Lakers nitong Linggo.
Wala ang ilang players dahil sa COVID-19 protocols, ang Bulls ay nanaig sa kanilang unang laro magmula nang matalo sa Miami noong Dec. 11. Ang koponan ay may dalawang postponements sa nakalipas na linggo.
Nagdagdag si Lonzo Ball ng 19 points para sa Bulls, habang kumubra si Alex Caruso ng 17 points at 9 rebounds.
Nagbuhos si LeBron James ng 31 points at 14 rebounds para sa Lakers. Nagsalansan si Russell Westbrook ng 20 points, 9 rebounds at 8 assists, habang tumapos din sina Carmelo Anthony (21 points) at Isaiah Thomas (13) sa double figures.
Sa unang pagkakataon ay naglaro ang Los Angeles na wala si Anthony Davis, na nakatakdang mawala ng apat na linggo makaraang magtamo ng sprained MCL sa kaliwang tuhod sa pagkatalo sa Minnesota Timberwolves noong Biyernes.
Pistons 100, Heat 90
Tumabo si Saddiq Bey ng 26 points at tinapos ng host Detroit ang franchise record-tying 14-game losing streak sa pamamagitan ng panalo kontra bisitang Miami.
Nagdagdag si Hamidou Diallo ng 15 points at 7 rebounds para sa Detroit, na naitala ang kanilang unang panalo matapos ang 97-89 decision laban sa Indiana noong Nob. 17.
Hindi rin nakapaglaro sina Heat’s Jimmy Butler, Bam Adebayo, Tyler Herro, Markieff Morris at Victor Oladipo dahil sa injuries. Lumabas si forward P.J. Tucker sa third quarter dahil sa left knee ailment.
Nanguna si Max Strus para sa Heat na may 24 points mula sa bench, habang nakalikom si Kyle Lowry ng 19 points, 10 rebounds at 5 assists.
Trail Blazers 105, Grizzlies 100
Tumirada si Damian Lillard ng 32 points at naitala ni Norman Powell ang 7 sa kanyang 28 points sa crucial shots sa huling sandali nang putulin ng bisitang Portland ang five-game winning streak ng Memphis.
Umiskor si Robert Covington ng 13 points mula sa bench para sa Portland, na nanalo ng magkasunod sa unang pagkakataon magmula nang maitala ang four-game win streak noong Nov. 15-23. Kumalawit din si Covington ng 8 rebounds at nagtala ng 4 blocked shots.
Nalimitahan ng Blazers ang Memphis sa 35 of 91 shooting mula sa floor (38.5 percent), kabilang ang 9 of 34 (26.5 percent) mula sa 3-point range. Nanguna si Dillon Brooks para sa Grizzlies na may career-high 37 points.
Sa iba pang laro ay tinambakan ng Suns ang Hornets, 137-106; ginapi ng Kings ang Spurs, 121-114; at pinataob ng Timberwolves ang Mavericks, 111-105.