LAKERS UNGOS SA CLIPPERS

Lakers vs Clippers

UMISKOR si LeBron James ng putback mula sa kanyang sari­ling mintis, may 12.8 segundo ang nalalabi, nang maungusan ng Los Angeles Lakers ang Los Angeles Clippers, 103-101, sa second game ng double-header sa muling pagbubukas ng  NBA kahapon.

Nanguna si Anthony Davis sa lahat ng scorers na may 34 points, at nakopo ng Lakers ang ika-50 panalo sa season.

Nahirapan si James sa field, kung saan bumuslo lamang siya ng 6 of 19, subalit tumapos na may 11 rebounds at 7 assists, bukod sa 16 points.

Bumawi ang Lakers, naghabol ng 11 sa third quarter, sa fourth subalit naglaho ang kanilang 9-point lead makaraang maisalpak ni Paul George ang isang 3-pointer upang itabla ang talaan sa 101-all, may 28.7 segundo sa orasan.

Sa sumunod na possession, nag-drive si James sa paint sa harap ng Clippers defenders, nagmintis ngunit nakarekober upang bigyan ang Lakers ng kalamangan.

Sa final play ay sumablay si George sa isang 27-footer.

Mula sa bench ay nagdagdag si Kyle Kuzma ng 16 points at apat na 3-pointers,  habang gumawa si Dion Waiters ng 11 points para sa Lakers.

Tumapos si George na may 30 points para sa Clippers,  habang nag-ambag si Kawhi Leonard ng 28.

Sa unang laro, nagbuhos si Jordan Clarkson ng 23 points mula sa bench at nagdagdag si Donovan Mitchell ng 20,  kabilang ang 8 sa huling 12 points ng  Utah Jazz, nang masingitan nila ang New Orleans Pelicans, 106-104.

Sinelyuhan ni Rudy Gobert ang panalo sa pamamagitan ng dalawang free throws, may 6.9 segundo ang nalalabi sa laro.

Comments are closed.