(lalaan ng DTI sa ‘Odette’-hit MSMEs) P150-M LIVELIHOOD ASSISTANCE

Ramon Lopez

TATANGGAP ang mga lalawigan na napinsala ng bagyong  Odette ng tulong pangkabuhayan mula sa Department of Trade and Industry (DTI).

Sa weekly Talk to the People briefing ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Lunes ng gabi, sinabi ni DTI Secretary Ramon Lopez na plano nilang magkaloob ng P8,000 hanggang P10,000 na tulong pangkabuhayan sa 2,000 micro entrepreneur beneficiaries kada probinsya na naapektuhan ni ‘Odette’.

“On the part of DTI, ‘yong moving forward po sa amin ‘yong pagbigay ng kabuhayan. In all our visits, nag-assess po kami ng mga kailangang tulungang mga micro SMEs,” sabi ni Lopez.

“Ang estimate po namin magiging 2,000 ang beneficiary per probinsya. Kung 2,000 ‘yan at bawat isa ang programa natin ay P8,000 to P10,000 kada micro entrepreneur para mabigyan ng pangkabuhayan package,” dagdag pa ni Lopez.

Aniya, ang bawat pribinsya ay paglalaanan ng P20 million.

“So total po, P100 to P150 million ang ating magiging initial assistance.”

Ani Lopez, sa ngayon ay may P8.2 million na ang DTI na ilalaan sa 300 profiled micro, small, and medium enterprises na naapektuhan sa Siargao.

Nakatakdang mamahagi ang  DTI ngayong linggo ng livelihood aid sa 1,000 benepisyaryo sa  Regions 6, 7, 8, at Caraga.

“Pangsimula pa lang ‘to pero sabi ko mag-a-allocate tayo ng P100 to P150 million. Magsisimula muna sa P8 million para this week may mabigyan na,” anang kalihim.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, may kabuuang 1,074,169 pamilya o 4,204,601 katao ang naapektuhan ng bagyo sa Mimaropa, Caraga, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at Regions, 5, 6, 7, 8, 9, 10, 11, 12.