PINANGUNAHAN ni Pangulong Rodrigo Dutere ang pagsasapubliko ng P1,000 banknotes na gawa sa polymer.
Ang ceremonial program na isinagawa sa Malakanyang ay dinaluhan nina Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Benjamin Diokno at Finance Secretary Carlos Dominguez III.
Ayon sa BSP, darating sa buwang ito mula sa Australia ang unang batch ng Philippine Peso Banknotes na gawa sa polymer at sisimulang ipakalat sa kalagitnaan ng taong ito.
Isinusulong ng BSP ang paggamit ng polymer-based banknotes dahil mas magbibigay ito ng proteksiyon laban sa virus at bacteria at uubra ring i-sanitize na hindi ito masisira.
Ang polymer banknotes ay magkakaroon din ng karagdagang security features kaya mahihirapan itong mapeke.
Sinabi pa ng BSP na maraming gumagamit sa P1,000 banknote sa bansa, na bumubuo sa hindi bababa sa 30% ng lahat ng perang kumakalat.
Tinatayang may 500 million P1,000 polymer banknotes na nagkakahalaga ng P500 billion ang ipakakalat mula 2022 hanggang 2025.