SA KANYANG unang biyahe pabalik sa Cleveland makaraang umalis sa ikalawang pagkakataon bilang free agent, si James ay sinalubong na tulad ng isang bayani noong Miyerkoles ng gabi at pinangunahan ang Los Angeles Lakers sa 109-105 panalo laban sa Cavaliers.
Tumapos si James na may 32 points, 14 rebounds at 7 assists. Umiskor o tumulong din siya sa 11 sunod na puntos upang tulungan ang Lakers na malusutan ang 99-91 deficit sa fourth quarter.
May pagkakataon ang Cavs na itabla ang laro subalit nagmintis si Kyle Korver sa isang wide-open 3-pointer, may 17 segundo ang nalalabi, at naipasok ni Kentavious Caldwell-Pope ang apat na free throws sa huling 15 upang selyuhan ito.
Tumipa si Jordan Clarkson ng 20 points para sa Cleveland.
ROCKETS 126, PISTONS 124
Nagbuhos si James Harden ng season-high 43 points, nagdagdag si Clint Capela ng 27 at ginapi ng Houston ang Detroit para sa ika-5 sunod na panalo.
Nagwagi ang Houston ng walo sa kanilang huling 10 makaraang manalo lamang ng isa sa unang anim nito.
Nanguna si Blake Griffin para sa Pistons na may 37 points at 11 rebounds. Nagdagdag si Andre Drummond ng 20 points at 11 rebounds para sa Pistons.
76ERS 121,
PELICANS 120
Tumabo si Joel Embiid ng 31 points at 19 rebounds nang igupo ng Philadelphia ang New Orleans makaraang magmintis si Anthony Davis sa ikatlo sa tatlong free throws, may 2.5 segundo ang nalalabi.
Ang 76ers ay 10-0 sa home. Tila kontrolado nila ang laro makaraang umabante ng siyam na puntos, wala nang 2 1/2 minuto ang nalalabi, bago ang late surge ng Pelicans.
Kumamada si Davis ng 12 points at 16 rebounds sa matchup sa pagitan ng dalawa sa top big men ng NBA, kasama si Embiid.
KNICKS 117,
CELTICS 109
Umiskor si Trey Burke ng 29 points, habang nagdagdag si Tim Hardaway Jr. ng 21 at pinadapa ng New York ang Boston upang putulin ang six-game losing streak.
Kumabig si Noah Vonleh ng 16 points at nag-ambag si Enes Kanter ng 10 points at 10 rebounds. Nagwagi ang New York sa ika-5 pagkakataon sa 19 games.
Nanguna si Kyrie Irving para sa Celtics na may 22 points at 13 assists, at gumawa si Marcus Morris ng 21 points. Nabigo ang Boston ng tatlong sunod upang bumagsak sa 9-9.
HORNETS 127, PACERS 109
Nagposte si Jeremy Lamb ng 21 points, at nagdagdag si NBA scoring leader Kemba Walker ng 16 points at season-high 11 assists nang igupo ng Charlotte ang Indiana.
Umiskor si Walker ng 103 points sa kanyang naunang dalawang laro, kabilang ang 60 laban sa Philadelphia noong Sabado ng gabi.
Tumipa si Bojan Bogdanovic ng 20 points para sa Indiana.
BUCKS 143, TRAIL BLAZERS 100
Napantayan ni Giannis Antetokounmpo ang kanyang season high na may 33 points upang pangunahan ang Milwaukee laban sa Portland.
Nagdagdag si Antetokounmpo ng 16 rebounds at 9 assists sa loob ng 30 minuto. Gumawa sina CJ McCollum at Damian Lillard ng tig-22 points para sa Trail Blazers.
BULLS 124,
SUNS 116
Nagsalansan si Jabari Parker ng 20 points, 13 rebounds at 8 assists, at tinalo ng Chicago ang Phoenix para putulin ang four-game slide.
Bumuslo ang Chicago ng season-high 56.8 percent sa ikatlong panalo pa lamang nito sa nakalipas na 12 laro.
Nagpakawala si Zach LaVine ng 29 points makaraang lumiban sa pagkatalo ng Bulls sa Toronto noong Sabado ng gabi dahil sa karamdaman, at tumapos si Ryan Arcidiacono na may 14.
Sa iba pang laro ay kinatay ng Raptors ang Hawks, 124-108 at naungusan ng Nuggets ang Timberwolves, 103-101.
Comments are closed.