LOS ANGELES – Lilipat na si LeBron James sa Los Angeles Lakers sa isang four-year $154 million deal, ayon sa kanyang agents, na tumapos sa ilang buwang mga ispekulasyon kaugnay sa susunod na career move ng NBA superstar.
Ang blockbuster contract ay nangangahulugan na ang four-time NBA Most Valuable Player, na naglaro sa nakalipas na walong NBA Finals, ay makakasama na ng isa sa pinakamatayog na koponan sa liga, kung saan naglaro rin ang mga maalamat na sina Kobe Bryant at Magic Johnson.
“LeBron James, four time NBA MVP, three-time NBA finals MVP, 14-time NBA All-Star, and two-time Olympic gold medallist, has agreed to a four-year $154 million contract with he Los Angeles Lakers,” pahayag ng management company Klutch Sports Group ni James.
Si James ay itinuturing na katunggali ni retired Chicago Bulls star Michael Jordan para sa titulo na ‘greatest player’ sa kasaysayan ng NBA.
Gayunman ay dumanas siya ng kabiguan sa Cleveland Cavaliers matapos na walisin ito ng Golden State Warriors sa NBA Finals noong nakaraang buwan.
Si James at ang Cavaliers ay natalo sa tatlo sa apat na NBA Finals laban sa Warriors magmula noong 2015.
Umanib si James sa isang koponan na may malaking budget sa ilalim ng NBA salary cap at naghahangad na muling makabuo ng isang championship team matapos ang ilang taong pagpupunyagi.
Sinikap din ng Cavaliers na mapanatili si James, kung saan batay sa report ay kausap nito ang NBA superstar sa telepono, ilang segundo matapos ang midnight Sunday nang magbukas ang free agency period.
Tinangka rin ng Philadelphia 76ers na kunin si James sa pag-asang makabuo ito ng potential triple threat, kasama sina Australian at Cameroon forward Joel Embiid.
Una nang iniwan ni James, isang two-time Olympic champion, ang Cleveland noong 2010 para sa Miami Heat, kung saan umabot siya sa NBA Finals ng apat na beses, at nagtala ng 2-2, bago bumalik sa Cavaliers sa pangakong bibigyan ito ng kampeonato.
Naisakatuparan ni James ang kanyang misyon nang makopo ng Cavaliers ang korona noong 2016.
“Thank you Northeast Ohio for an incredible 4 seasons. This will always be home,” wika ni James sa isang post sa Instagram na may larawan ng championship parade ng Cavaliers.
Subalit kinuha ng Warriors si Kevin Durant matapos ang pagkatalo na iyon at magmula noon ay naitala ng Golden State ang 8-1 kontra Cavs sa dalawang NBA Finals.
“To be able to be a part of a championship team two years ago with the team that we had and in the fashion that we had is something I will always remember,” pahayag ni James makaraan ang huling pagkatalo ng Cavs sa finals.
Magugunitang noong Biyernes ay tinanggihan ni James ang kanyang $35.6 million contract option sa Cleveland.
At ibinasura rin niya ang maaari sanang pinakamalaki at pinakamahabang deal, kung saan inalok ng Cavaliers si James ng limang taong kontrata na nagkakahalaga ng $209 million.
Comments are closed.