Mga laro bukas:
(EAC Gym)
7:30 a.m. – Mapua vs San Beda
9:30 a.m. – EAC vs SSC-R
11:30 a.m. – JRU vs LPU
2:30 p.m. – Arellano vs LSGH
4:30 p.m. – Letran vs Perpetual
NANATILING walang dungis ang Letran at Mapua makaraang pataubin ang kani-kanilang katunggali sa NCAA juniors basketball tournament kahapon sa EAC Gym.
Kinamada ni Andy Gemao ang 17 sa kanyang 26 points sa first half nang dispatsahin ng Squires ang Emilio Aguinaldo College, 116-82.
Tumipa si Lance Masiglat ng 17 points at 13 rebounds upang pangunahan ang Red Robins sa 75-66 panalo kontra University of Perpetual Help System Dalta.
May 3-0 records, ang Letran at Mapua ang nalalabing undefeated teams matapos ang tatlong araw na kumpetisyon.
Isang Batang Gilas mainstay, si Gemao ay kumalawit din ng 8 rebounds at may+23 efficiency sa loob lamang ng15 minutong paglalaro para sa Squires.
Nagposte sina Nicko Lorenzo at John Lopez ng pinagsamang 37 points habang kumamada sina Andrei Dungo (19 points, 16 rebounds) at Chris Hubilla (15 points, 13 boards) ng double-double numbers nang makabalik ang titleholder San Beda sa winning form sa 93-81 panalo sa San Sebastian.