(LGUs nagpahayag ng suporta sa DA) AAYUDA SA FARMERS DUMARAMI

magsasaka

DUMARAMI ang lokal na pamahalaan sa mga probinsiya  ang  nagpapahayag ng suporta sa Department of Agriculture (DA) sa pag-tulong nito sa mga magsasaka.

Mula sa anim, na­ging 13 at  ngayon ay 30  probinsiya na ang na­ngakong tutulong sa mga apektado ng pagbaba ng presyo ng palay.

Ayon kay DA Secretary William Dar, sa kanyang pakikipagpulong kay League of Provinces of the Philippines President at Marinduque Governor Presbitero Velasco, tiniyak nito ang kanilang positibong pagtugon sa problema at nakahandang magbigay ng pangangailangang pinansiyal. Saklaw nito ang pagbili ng palay sa mataas na halaga, pagpapatuyo ng palay, milling, at maging sa pagbebenta.

Unang nag-commit ng P3 bilyong suporta ang 13 provincial local government units sa Isa­bela, Nueva Ecija, Ilocos Norte at Sur, La Union, Pangasinan, Nueva Vizcaya, Quirino, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Bataan at  Cagayan.

Nadagdagan pa ito ng 17 probinsiya  na kinabibilangan ng Camarines Sur,  Apayao, Agusan del sSur at Norte, Bi­liran, Sarangani, Iloilo, Kalinga, Zamboanga Sibugay, Mountain Province, Marinduque, Albay, Capiz, Oriental Mindoro, Bohol, North Cotabato at Lanao del Sur.

Umaaray na ang mga magsasaka dahil sa pagbagsak ng presyo  ng palay dahil sa Rice Tarrification Law na nagpapahintulot sa pagdagsa ng mga imported na bigas. BENEDICT ABAYGAR, JR.