LIBOLIBONG SCHOOL DESK AT SUPPLIES INIHATID NG NAVY SA TAWI-TAWI

NASA mahigit 6,000 na school armedchairs at educational supplies ang matagumpay na naihatid ng Philippine Navy -Naval Forces Western Mindanao sa mga pampublikong paaralan sa Tawi-tawi.

Sa ulat na ibinahagi ng tanggapan ni Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Toribio Adaci, sa kahilingan ng AFP Western Mindanao Command ay inihatid ang naturang mga kagamitan para sa mga mag-aaral sa naturang lugar lulan ng BRP Dagupan City (LS551) sa Polloc Port, Parang, Maguindanao.

Inihatid naman ang mga ito sa Naval Station Juan Magluyan, Bato-Bato, Panglima Sugala, Tawi-Tawi.

Nakipag-ugnayan ang tropa ng militar sa mga tauhan ng Ministry of Basic, Higher, and Technical Education – BARMM para sa distribution ng mga desk at school supplies.

Sila ang naging katuwang ng militar para maihatid ang mga gamit sa mga paaralan sa Languyan, Taganak, Mapun, Panglima Sugala, Batu-Batu, at South Ubian.

Ayon kay Naval Forces Western Mindanao Commander Rear Admiral Donn Anthony L. Miraflor , sila ay patuloy na makikipagtulungan sa iba’t -ibang ahensya ng pamahalaan para makapaghatid ng serbisyo sa publiko na nasa malalayong lugar o mga “Geographically Isolated Disadvantaged Areas of Western Mindanao”.

Batay rin ito sa kautusan ni Western Mindanao Command (WestMinCom) Commander Lt. Gen. William Gonzales. VERLIN RUIZ