LUNGSOD NG MALOLOS – Wala nang babayaran ang mga estudyanteng Pilipino na naka-enroll sa State Universities and Colleges at sa Commission on Higher Education – Recognized Local Universities and Colleges sa darating na pasukan.
Ito ang mandato ng Republic Act 10931 o Programs of the Universal Access to Quality Tertiary Education Act na tinalakay ni CHED UniFAST Regional Coordinator Kate Placido sa ginanap na Talakayang Bulakenyo kahapon sa Mariano Ponce Hall, Hiyas ng Bulacan Convention Center sa lungsod na ito.
Ayon kay Placido, may apat na probisyon ang naturang batas kabilang ang libreng kolehiyo, libreng technical-vocational education and training (TVET), tertiary education subsidy (TES) at national student loans program kung saan maaaring umutang ang estudyante upang magamit sa eskuwela at bayaran ito bago magtapos o kapag nagtatrabaho na.
Idinagdag pa niya na may iba-ibang sakop at requirements ang mga ito.
Ang libreng kolehiyo ay para sa lahat ng Pilipino na makakapasok ayon sa polisiya ng institusyon; ang libreng TVET ay para sa mga naka-enroll sa TESDA-registered TVET program; ang TES ay para sa mga estudyante na kabilang ang pamilya sa mga benepisyaryo ng programang 4Ps o mga estudyante na naninirahan sa lugar na walang SUC o LUC at base sa kita ng pamilya; at ang student loans program ay para sa lahat ng mga mag-aaral na naka-enroll sa lahat ng institusyon sa Registry. Sinabi ni Placido na P40 bilyon ang nakalaang badyet para sa programa.
Sa Bulacan, dalawang SUC ang mabebenepisyuhan ng libreng tuition, ang Bulacan State University at Bulacan Agricultural State College habang apat naman ang LUC kabilang ang Baliwag at Bulacan Polytechnic Colleges, Norzagaray College at Pambayang Dalubhasaan ng Marilao.
Hinikayat naman ni Bise Gob. Daniel R. Fernando sa ngalan ni Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado, ang mga mamamayan na tangkilikin ito at sinabing ito na ang pagkakataon para magkaroon ng dekalidad na edukasyon.
“Wala nang dahilan para sabihing mahirap lang kaya hindi makapag-aral, kahit na may edad puwede nang mag-aral ngayon kasi libre na, at kung sumobra ang inilaang tuition, hahatiin pa ‘yon para maging allowance n’yo. Bukod diyan may mga sarili pa tayong scholarship program,” ani Fernando.
Kaugnay nito, ibinahagi naman ni Asst. Department Head Catherine Inocencio mula sa Tanggapan ng Panlalawigang Tagapangasiwa na tuloy pa rin ang mga programang pang-iskolar ng Pamalaang Panlalawigan sa ilalim ng Tulong Pang-Edukasyon para sa Kabataang Bulakenyo kabilang ang Educational Assistance na nagkakahalaga ng P3,000; Academic Scholarship at Masteral Scholarship na may tig-P5,000 ayuda at Financial Assistance na may halagang P3,000 na lahat ay may kani-kaniyang requirement.
Idinagdag din ni Inocencio na sa kasalukuyan, may 4,037 na benepisyaryo ang nasabing programa at P50 milyon na badyet ang nakalaan para dito. A. BORLONGAN
Comments are closed.