MAAARI nang makakuha ng libreng skills training mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang mga mamamahayag at kanilang dependents.
Ito ay makaraang lumagda ang TESDA at National Press Club (NPC) sa isang memorandum of agreement (MOA) na magbibigay ng training access sa mga journalist at sa kanilang pamilya.
Ang nasabing kasunduan ay nilagdaan nina TESDA Secretary Isidro Lapeña at NPC President Rolando Gonzalo, at sinaksihan nina TESDA Deputy Director General Lina Sarmiento at NPC Vice President Paul Gutierrez.
Nakasaad sa kasunduan na ang isang miyembro ng NPC, kasama ang dalawang miyembro ng pamilya nito ay maaaring makapag-avail ng skills training, kabilang ang immediate family members ng mga biktima ng Maguindanao massacre.
Ayon kay Lepena, bahagi ng nasabing hakbang ng TESDA na makatulong upang kahit papaano ay guminhawa ang pamumuhay ng mga nabibilang sa marginalized sectors
“As long as they are qualified to be a TESDA scholar, we are ready to provide them the skills training they need to start something which may help them during this pandemic,” ani Lapena.
Ang mga kuwalipikadong benepisyaryo ay tatanggapin sa ilalim ng Training for Work Scholarship Program (TWSP) ng TESDA na nakatuon sa Key Employment Generators (KEGs) sa mga larangan ng agri-fishery, tourism, information technology, electronics, automotive, at iba pang priority manufacturing industries. LIZA SORIANO
Comments are closed.