LTFRB SA PUV OPERATORS: FEES SA CASHLESS CARDS ALISIN

LTFRB-1

INATASAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang PUV operators at automated fare collection system providers na alisin ang fees para sa cashless cards maliban sa fare load.

Nauna nang ipinatupad ng  Department of Transportation (DOTr) ang paglipat sa cashless transactions para sa EDSA busway upang mabawasan ang human interaction at ang panganib na mahawaan ng COVID-19.

Ang nasabing cashless system ay sinuspinde, at muling pinayagan ang pagbabayad ng cash sa pasahe makaraang magreklamo ang mga  commuter sa mahal na Beep card bukod pa sa load.

“To alleviate the burden of the riding public, the Board hereby directs all Public Utility Vehicle (PUV) operators and Automatic Fare Collection System (AFCS) to remove any charges or fees imposed for the purchase/use of their cards on top of the fare load,” nakasaad sa circular ng LTFRB na may petsang  Oct.6.

Ayon sa ahensiya, ang hindi pagsunod sa kautusan ay maaaring magresulta sa ‘immediate suspension’ ng automatic fare collection at penalties.

Sinabi ni Presidente Rodrigo Duterte noong Martes na dapat na ibigay nang libre sa mga pasahero ang Beep cards.

Comments are closed.