LUMANG JEEP, WALIS NA SA 2020

JEEPNEY

HINDI na papayagang pu­­masada ang mga luma at  hindi environmental com­pliant na jeepney sa sandaling simulan na ang  modernization program ng pamahalaan.

Ito ang tiniyak ni Transportation Assistant Secretary for Road Transport and Infrastructure Mark de Leon na nagsabing target ng pamahalaan sa kalagitnaan ng taong 2020 ay phase out na lahat ang mga lumang modelo ng jeepney sa buong bansa.

Ayon kay de Leon, napasimulan na ang pagpasok ng mga modernong Public Utility Vehicles (PUVs) na papalit sa mga lumang jeepney na aniya’y dapat nang ipakilo sa junkshop.

Sinabi ni de Leon na hindi naman ipagbabawal kung pananatilihin ng mga jeepney operators ang orihinal na hitsura ng jeepney subalit kaila­ngang matiyak na ang makina ay environmental compliant batay sa euro standard na nakapaloob sa Clean Air Act.

Dagdag pa nito na wala namang mawawalan ng trabaho sa mga jeepney driver dahil habang ipinatutupad ang unti-unting phase out ng mga lumang jeepney units ay bibigyan sila ng pansamantalang pagkakakitaan hanggang sa makabalik sila sa pagmamaneho ng modernong PUVs.

Base sa rekord, umaabot sa 170,000 lumang jeepney units ang mawawala sa kalsada base sa rehistro at prangkisa na hawak ng Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Nabatid din kay de Leon na sa junkshop ang bagsak ng mga lumang jeepney sa sandaling maging full-blast ang implementasyong nabanggit na modernization program.

Nasa 90 porsiyento ng mga pampasaherong jeepney ang hindi na bababa sa 15 taon na ang edad kaya dapat lamang ituloy na ang moder­nisasyon ng PUV.

Kaugnay nito ay isusulong din ng DOTr ang pagbuo ng mga jeepney operators ng isang kooperatiba para mas makamura sa pagbili ng mga mo­dernong PUV na nagkakaha­laga ng P1.6-M hanggang P1.8 milyon.   EVELYN QUIROZ

Comments are closed.