MAGANDA balita sa mga lolo’t lola.
Inaprubahan na ng Kongreso ang pagkakaloob ng mga karagdagang benepisyo sa centenarians at senior citizens.
Ayon kay House Committee on Senior Citizens Affairs Chair Rodolfo Ordanes, nagkasundo ang bicameral conference committee na maglaan ng P10,000 cash gift sa Filipino seniors sa loob ng isang taon kung kailan sila nagdiwang ng kanilang ika-80, 85, 90, at 95 kaarawan.
Kapag ang senior ay umabot sa edad na 100, tatanggap siya ng P100,000 cash gift sa loob ng isang taon.
Umaasa si Ordanes na agad lalagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang bill bilang isang batas.
“With the work on the reconciled bill done, the next steps would be ratification by both chambers and then sending the bill to Malacañang for [President Ferdinand Marcos Jr.’s] signature,” ani Ordanes.
Sinabi pa ng Senior Citizens party-list solon na nagkasundo ang mga mambabatas sa pangangailangan para sa Senate-proposed Elderly Data Management System.
Nangako siya na hahanap ng paraan ang Kamara at Senado para tiyakin na may mapagkukunan ng pondo para sa pagpapatupad nito.