POSIBLENG maharap sa kasong gross neglect of duty ang mga alkalde na tanghali nang gumising at tamad mag-monitor sa lagay ng panahon kaya huli nang nakapagdedeklara ng class suspension.
Ito ang naging babala ni Interior Officer-in-Charge Sec. Eduardo Año sa mga alkalde na aniya’y ‘tamad’ dahil sa pagiging huli sa pagsususpinde ng klase sa kabila ng maagang advisory ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ginawa ni Año ang babala nang makatanggap ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng reklamo tungkol sa umano’y late na class suspension nang manalasa ang Bagyong Henry kamakailan.
“Erring officials who are too lazy to wake up to suspend classes even though PAGASA has declared its warning signals may be charged with gross neglect of duty,” ayon kay Año.
Iginiit ng kalihim na dapat ay laging alerto at nakabantay ang mga alkalde sa sitwasyon ng kanilang mga lugar sa panahon ng bagyo at kalamidad.
Dagdag pa ng opisyal, mapanganib sa mga estudyante at mga manggagawa ang paglusong sa baha makauwi lamang sa bahay dahil sa huling pagsususpinde ng klase.
Hindi na aniya dapat pang hintaying umabot sa kritikal ang lebel ng baha bago magsuspinde ng klase ang mga lokal na opisyal. EUNICE C.
Comments are closed.