MATATAPOS na ang pamamayagpag ng mga testigong nagbibigay ng fake news at maling testimonya sa mga pagdinig para manira ng reputasyon at magpahamak ng ibang tao, matapos umusad na sa Senado ang panukalang pagpapataw ng pinabigat na parusa sa mga ito.
Sumalang na sa sponsorship sa plenaryo ang Senate Bill 1354 na nagpapataw ng parusa sa mga nabanggit na klase ng testigo na ang pakay ay manira at manghiya sa publiko ng mga target nila.
Sinegundahan ni Senador Panfilo Lacson si Senador Richard Gordon sa pagsalang sa plenaryo ng panukala sa pamamagitan ng co-sponsorship, para matiyak na hindi na mangyayari sa iba ang masamang karanasan niya sa mga sumira sa kanyang pagkatao sa pamamagitan ng imbentong kuwento bilang testigo.
“It goes without saying that this measure will deter the commission of the crimes of false testimony and perjury in solemn affirmation and uphold the sacredness of oath in testimonies and sworn statements by increasing the penalty for their commission. It is for these reasons that I fully support the passage of this measure,” banggit ng mambabatas sa kanyang co-sponsorship speech sa hybrid session ng Senado noong Miyerkoles.
Bukod kay Lacson, kabilang din sa mga may-akda ng Senate Bill 1354 sina Senate President Vicente Sotto III, Gordon at Senadora Leila de Lima.
Kasama sa Senate Bill 1354 ang Senate Bill 28 na ihinain ni Lacson noong 2019. Naghain din si Lacson ng kahalintulad na panukalang batas noon pang 2011 subali’t natengga na lamang ito nang natengga.
Sentro ng kontribusyon ni Lacson sa nabanggit na panukala ang probisyong nagpapataw ng kaparehong parusa sa testigong mapanlinlang sa personalidad o indibiduwal na mapapatunayan sa krimen base sa kanyang akusasyon.
“If the person responsible for this act is a public officer or employee, the penalty shall be imposed in its maximum period. The offender shall also face a fine of P1 million and perpetual absolute disqualification from public office. Any person who shall willfully and knowingly offer in evidence a false witness or testimony in any judicial or official proceeding shall be punished as guilty of false testimony,” saad sa panukala.
Magugunitang si Lacson ay idinawit sa ilalim ng Arroyo administration na gumamit ng testigo na umano’y nag-imbento lamang ng akusasyon, na dinala pa sa imbestigasyon ng Senado at maging ng mga hukuman.
“I myself had been a victim of untruthful testimonies fabricated with the end goal of destroying my person. Never would I forget the una-dorable persons answering the names of Ador Mawanay and Cezar Mancao II, and a host of other characters who weaved unthinkable lies and narratives of the crimes that I supposedly committed,” pagbabalik-tanaw ni Lacson.
“Government prosecutors were used and even sent abroad to assist in the preparation of affidavits containing lies and innuendos,” dagdag niya.
Pero sa kalaunan, nagdesisyon ang Korte Suprema na ipawalang-sala si Lacson sa mga mabibigat na akusasyon laban sa kanya, matapos mabatid ng Court of Appeals na ang mga ito ay hindi kapani-paniwala.
“Hence, Mr. President, this representation finds it vital to increase the penalty for the commission of false testimonies, particularly, by amending Article 183, Book II, Title Four of Act 3815 entitled ‘False testimony in other cases and perjury in solemn affirmation,’” dagdag pa ng senador. VICKY CERVALES
Comments are closed.