PARA mahusay na maisulong ang mga bagong negosyo sa bansa, lalo na sa linya ng teknolohiya, kailangan ang mahahalagang sangkap, kasama ang mataas na antas ng galing ng mga manggagawa, malapit na daan sa pondong puhunan, maaasahang internet at mabisang mga batas sa ‘e-commerce’ at ‘intellectual property.’
Binigyang diin ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda, chairman ng House Ways and Means Committee, ang mga puntong ito sa talumpati niya sa katatapos na ‘Annual National ICT Confederation of the Philippines (NICP) Summit.’
Pinamagatang “Formulating policies on transformation of incubation and start-up technologies in health and economy,” ipinaliwanag ni Salceda ang anim na mahalagang mga sangkap upang mabisang maisulong ang mga bagong negosyo, gaya ng:
1) Magagaling na manggagawa na karamihan ay mula sa mahuhusay na pamantasang lokal; 2) malapit na daan sa pondong puhunan mula sa pampamahalaan at pribadong sektor, kasama ang ‘private capital markets;’ 3) mabilis at maasahang internet; 4) malapit na daan sa mga kaalaman at datus na kailangan ng mga bagong negosyo sa pagtugon sa mga problema; 5) mabibisang batas na titiyak sa pag-aari ng ‘intellectual property;’ at 6) mahuhuusay na batas sa ‘electronic commerce.’
Si Salceda ang pangunahing may-akda ng tatlong mahahalagang panukalang batas na naglalayong patagin ang kapaligiran ng negosyo at pamumuhunan sa bansa na inaasahang maipapasa ng Kongreso ngayong taon – ang Amendments to the Retail Trade Liberalization Act, Foreign Investments Act, and the Public Service Act.
Sa mga nabanggit na mga sangkap, ayon kay Salceda, ang pinaka-kritikal ay ang sapat na bilang ng mga manggagawang may mataas na antas ng kaalaman, na karamihan ay mula sa mahuhusay na mga pamantasan gaya ng University of the Philippines at mga programa nito sa agham, kaya dapat paglaanan ito ng sapat na pondo ng pamahalaan.
“Panatilihin dapat ang kalayaan ng ekonomiya. Namamatay ang diwa ng malikhaing pamumuhunan sa ilalim ng nakasasakal na kapaligiran. Mabisang tagasulong ang ‘capital market liberalization’ sa mga nagsisimulang negosyo,” dagdag niya,
“Ang napakahigpit nating mga alituntunin sa dayuhang pamumuhunan, at mababang ‘domestic savings rates’ na pinakamababa sa buong rehiyon ng ASEAN, ay hadlang sa pagsulong at paglago ng ‘liquid venture capital investment.’ Kailangang luwagan ang sobrang mahigpit na naturang mga alituntunin. Walang ibang paraan,” dagdag nito.
Ipinaliwanag ni Salceda na sa pamamagitan ng “funds-of-funds model,” natutulungan din ng pamahalaan ang mga bagong negosyo sa hindi diretsang paraan. “Ganito iyon: Nadaragdagan ng mga ahensya sa pananalapi ng pamahalaan ang pondo ng maliliit at pribadong nagpapautang na mabisang nakapagsusuri sa mga bagong negosyo. Sa gayon, pinupuhunan din sila ng pamahalaan sa iba-ibang pamamarang naglalayo sa kanila sa mga panganib, ‘red tape’ at tukso ng korupsiyon.”
Isinusulong din ni Salceda ang pagtatatag ng National Broadband Network, kahit na higit na mahusay ang ‘fiber optic network,’ ang bukas na plataporma ng mga datus ng gobyerno, at ang makabagong batas sa ‘Electronic Commerce.’
“Sa madaling salita, paano natin malilikha ang isang kultura na magsusulong sa mga bagong negosyo? Hindi dapat maging isang kusinero pa ang pamahalaan, gaya ng kasabihan, nasisira ang lasa ng putahe, kapag maraming kusinero. Sa halip, italaga lang natin ang maayos na kusina, ang mga sangkap, at pabuya sa mga kusinerong maghahain ng masasarap na pagkain. Hayaan natin sila,” patapos niyang paliwanag.
144955 985735Yay google is my king assisted me to find this outstanding web site ! . 762010