MINDANAO- PATAY ang tatlong katao na kinabibilangan ng isang mag-asawa at anak nito matapos silang tambangan at paulanan ng bala ng baril ng teroristang grupong Bangsamoto Islamic Freedom Fighters (BIFF) noong Linggo ng umaga sa bayan ng Shariff Aguak.
Ang mga biktima ay nakilala sa mga pangalan na si Kar, misis nitong si Mhoni, at kanilang anak na si Tapuri, pawang residente ng Barangay Dapiawan Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao Del Sur.
Ayon kay Lt. Col. Reggie Albillera, hepe ng Shariff Aguak Municipal Police Station, bandang alas-8:15 ng umaga nang maganap ang krimen sa Barangay Satan, ng nasabing bayan.
Sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, sakay ng motorsiklo ang mag-anak at pagsapit sa nabanggit na lugar ay bigla na lamang silang pinaulanan ng bala mula sa matataas na kalibre na armas.
Nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan ang mga biktima na naging dahilan ng agaran pagkasawi ng ma ito.
Nabatid na grupo umano ni Kumander Kagi ng Matatag BIFF ang umatake sa mga biktima dahil sa matagal na alitan.
Nagpapatuloy naman ang ginagawang pagsisiyasat ng mga awtoridad sa nasabing krimen upang alamin ang tunay na motibo at agarang ikadarakip sa mga suspek.
EVELYN GARCIA