MAG-INA TIMBOG SA P4M SHABU

shabu

NASAKOTE ng Caloocan City Police ang mag-ina kabilang ang isang  65-anyos na nanay at 33-anyos na anak na lalaki matapos makumpiskahan ng P4 milyon halaga ng  shabu sa isinagawang buy-bust operation sa nasabing lungsod nitong Sabado ng gabi.

Kinilala ni Caloocan Police chief Col. Dario Menor, ang mga naaresto na sinaTaya Sulong, 65-anyos at anak na si Abdul Sulong, 33-anyos kapwa residente ng Block 1, Lot 9, Villa Enrico Heights, Brgy. 171.

Sa ulat ni Menor kay Northern Police District (NPD) Director P/Brig. Gen. Ronaldo Ylagan, isinagawa ang buy bust operation bandang alas-8:20 kamakalawa ng gabi  ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Deo Cabildo sa  bahay ng mag-inang suspek .

Nagawang makapagtransaksiyon sa mga suspek ng isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer sa halagang P70,000 na shabu.

Matapos tanggapin ng mga suspek ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng isang medium knot-tied plastic bag ng shabu ay agad inaresto ng mga operatiba ang mag-ina.

Nakumpiska sa mag-ina ang nasa 600 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P4,080,000.00, digital weighing scale, at isang P1,000 bill na nakabugkos sa 69 pcs P1,000 fake/boodles bills na ginamit bilang buy-bust money.

Kaugnay nito, pinuri ni Ylagan ang mga operatiba ng Caloocan Police SDEU dahil sa kanilang matagumpay na drug opera-tion at malaki aniya itong kabawasan para hindi kumalat ang illegal na droga sa lungsod. VICK TANES

Comments are closed.