MAG-UTOL SABAY BUMATAK NATIKLO NG PARAK

POT SESSION

BULACAN – NADAKIP ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng Baliwag PNP ang magkapatid na kapwa nasa PNP/PDEA unified watchlist at sabay rin kung bumatak ng droga makaraang kumagat sa inilatag na buy bust operation sa Brgy. Poblacion, Baliwag.

Sa report ni P/ Lt. Col.Jayson San Pedro, Baliwag police chief, kay P/Col.Lawrence B. Cajipe, Acting Provincial Director ng Bulacan PNP, nakilala ang magkapatid na sina alyas Kalbo at alyas Jonjon na pawang nasa PNP/PDEA unified watchlist.

Ang magkapatid ay kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng RA 9165 at kapwa dinala sa Bulacan Provincial Crime Laboratory Office sa Malolos upang sumailalim sa drug test at itinuturong ang magkapatid na suspek ang siyang source ng droga sa nasabing bayan.

Nabatid na pasado alas-11:00 ng tanghali nang magsagawa ng buy bust operation ang DEU-Baliwag PNP laban sa kanilang target na magkapatid na drug peddler sa Brgy. Pob­lacion, Baliwag matapos ang isang linggong paniniktik at nang magpositibo ang magkapatid sa pagtutulak ng shabu sa nasabing lugar at kalapit-bayan.

Napag-alamang ang isa ay kalalaya pa lamang matapos makulong ng halos tatlong taon dahil din sa drug case.

Nakumpiska sa magkapatid ang limang pakete ng shabu at P500 marked money. MARIVIC RAGUDOS