MAGSAYO SIMULA NA ANG TRAINING CAMP SA L.A.

MATAPOS ang maikling pahinga, aalis ngayong araw si  WBC featherweight champion Mark Magsayo at magsisimula nang maghanda para sa kanyang kauna-unahang pagdepensa sa korona kontra Rey Vargas ng Mexico.

Si Magsayo ay babalik sa Los Angeles para sa training camp sa sikat na Wild Card gym sa ilalim ni trainer Freddie Roach para sa July 9 fight sa San Antonio, Texas.

Ang 26-year-old na ipinagmamalaki ng Tagbilaran City ay tahimik na bumalik sa bansa noong nakaraang March 3 makaraang mawala ng halos dalawang taon at lumaban sa US, ang huli ay nang maagaw niya ang  WBC 126-lbs title belt laban kay dating  champion Gary Russell noong Enero.

“April start na ng training sa Wild Card gym kay Freddie Roach,” sabi ni Magsayo sa virtual Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum.

“Pero habang nasa bakasyon ako nagte-training na rin ako. Hindi pa rin ako nagpapabaya sa sarili ko kahit nasa bakasyon ako.”