(Mahigit 300k commuters sa unang araw) ‘LIBRENG SAKAY’ DINAGSA

MAHIGIT sa 300,000 commuters ang nag-avail ng ‘Libreng Sakay’ program sa unang araw ng pagbabalik nito sa Epifanio delos Santos Avenue (EDSA) Busway Carousel at iba pang participating routes sa buong bansa.

Sa isang Facebook post nitong Martes, sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ang programa ay nakapagtala ng  307,396 ridership nitong Lunes.

“Sinimulan muli ang programa sa ikatlong pagkakataon upang maging isa sa mga solusyon para matulungan ang mga operator at driver na naapektuhan ang kabuhayan dahil sa COVID-19 pandemic at patuloy na pagtaas ng presyo ng gasoline,” pahayag ng LTFRB.

Ang participating operators at drivers ay tatanggap ng bayad mula sa pamahalaan sa pamamagitan ng programa.

“Malaking tulong ang dagdag na kita sa mga kalahok sa programa, gayundin ang pamasaheng matitipid ng mga commuter, upang matustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan,” dagdag pa ng LTFRB.

May budget na P7 billion, ang service contracting program ay tatakbo mula  Marso hanggang Disyembre ngayong taon o hanggang maubos ang pondo.

Nasa 553 operators ng public utility vehicles (PUV), 24,408 drivers, at 93,096,900 commuters ang inaasahang makikinabang sa programa.

Bukod sa bayad base sa kanilang per-kilometer service, ang participating PUV operators ay tatanggap ng one-time incentive na P5,000 bawat isa para sa kanilang  pre-­operating costs. PNA