MAKABAGONG DIGITAL INFRASTRUCTURE NG PLDT, DULOT AY KAUNLARAN NG PILIPINAS

Joe_take

ANG pagkakaroon ng telecommunications infrastructure na kahalintulad sa ibang mga bansa ay isang napakalaking bahagi sa pagsuporta sa pag-unlad ng ating digital economy.

Kaya naman binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) na walang Pilipino ang mapag-iiwanan sa pag-unlad na ito.

Aniya, kailangan nating lalo pang paigtingin ang potensiyal ng mga imprastraktura tungo sa mas maayos na serbisyo at pakikipagtransaksiyon sa pamahalaan at mga lokal na gobyerno.

Inilatag din ni PBBM ang kanyang mga plano at programa para sa Department of Information and Communications Technology upang pormal na masimulan ang paglunsad ng digital connectivity program sa buong bansa.

Ilang araw matapos ang SONA, inumpisahan agad ng PLDT Inc. — isa sa mga pinakamalaking integrated telecommunications company sa Pilipinas—ang proyekto nitong Jupiter cable system, ang pinakabago, pinakamabilis, at pinakamalaking direct cable system na kokonekta sa Pilipinas, Estados Unidos, at Japan.

Ang proyektong Jupiter ay may 14,000 kilometro ng submarine fiber optic cable mula sa Estados Unidos, Japan, at Pilipinas, at siyang magpapalakas sa international data capacity at magpapalawak ng digital infrastructure ng Pilipinas.

Ayon kay PLDT President at Chief Executive Officer Alfredo S. Panlilio, mahalaga ang programang Jupiter sa paghubog at pagpapaganda ng digital economy.

“Our investment in Jupiter will exponentially boost the Philippines’ international capacity, ramp up the global trade of digital services, and propel the nation’s digital economy while increasing internet speed and reliability for Filipinos,” aniya.

Ang proyektong ito rin ang tutugon sa lumalaking demand ng digital services at next generation technologies ng mga data-driven global industries na nangangailangan ng mataas na bandwidth requirement katulad ng mga business process outsourcing (BPO), multinational companies, at global hyperscalers.

Paiigtingin din ng programang Jupiter ang international capacity ng PLDT mula sa 20Terabits per second sa 60 Terabits per second na inaasahang aakit ng mga foreign investor upang mamuhunan at magtayo ng marami pang negosyo sa Pilipinas.

Sa kasalukuyan, ang PLDT ay mayroong partisipasyon sa 16 na international submarine cable networks at nagpapatakbo sa mga extensive fiber optic ng mga local internet provider, at 803,000 kilometrong kumukonekta sa Pilipinas sa pamamagitan ng fiber connectivity.

Ang pagtaas ng demand sa reliable at high speed connectivity sa mga enterprise ang nag-udyok sa PLDT na palawakin ang pamumuhunan nito sa mga makabagong international cable infrastructure upang paigtingin ang network capacity at patatagin ang serbisyo ng internet sa mga customer. Sa susunod na dalawang taon, inaasahan ng PLDT na ilunsad ang dalawa pang international cable system—ang Asia Direct Cable (ADC) at ang APRICOT cable systems.

Ang mga lockdown dahil sa pandemya ay nagresulta sa limitadong kalakalan at transportasyon, na siya ring nakaapekto sa e-commerce at media content, ngunit unti unti naman tayong nakabangon dahil sa pagluluwag ng gobyerno sa quarantine restriction ng bansa.

Patuloy man tayong nag-a-adapt sa tinatawag na new normal, ang pagpapaigting ng digital infrastructure ng bansa ay malaking tulong sa mga pampubliko at pribadong sektor sa pag-unlad ng mga merkado pati na ng ating ekono­miya.