MALAKIHANG 5% BAWAS SA CORPORATE INCOME TAX  NG MGA MAMUMUHUNAN

CORPORATE INCOME TAX

MULING  nanawagan sa kapwa niya  mga mambabatas si Albay Rep. Joey Salceda, co-chairman ng House Economic Stimulus Cluster, na ipasa agad ang Corporate Income Tax and Incentives Reform Act (CITIRA), at bigyan kaagad ng limang porsiyentong (5%) bawas sa corporate income tax (CIT) ang mga negosyo upang makaakit lalo ng mga mamumuhunan  at mapabilis ang pagbangon ng ekonomiya ng bansa mula sa COVID-19  pandemic.

Ikalawang panukalang batas ang CITIRA sa ilalim ng Comprehensive Tax Reform Program (CTRP) ng administrasyong Duterte, kasunod ng TRAIN na binalangkas din ni Salceda. Dalawang beses na itong naipasa ng Kamara – una noong 2018 ngunit nadiskaril ito ng 2019 election. Muli itong ipinasa ng Kamara bago natapos ang 2019 ngunit inabutan ito ng katatapos na  Congressional recess at ngayon ng COVID-19 crisis habang nasa Senado, at sertipikado itong ‘urgent’.

Layunin ng CITIRA na isaayos ang mga ‘tax incentives’ para sa mga negosyo sa pamamagitan ng pagbawas sa CIT nila, mula 30% na pinakamataas sa buong Timog Silangang Asia, at ibaba ito sa 20% na lamang sa loob ng 10 taon. Layunin di nito na palakihin ng 3.6% ang gross domestic product (GDP) ng bansa taon-taon habang nadadagdan naman ng 0.9% lamang ang ‘inflation.’ Ngayon, itinuturing na itong daan upang makabangon ang ekonomiya ng bansa mula sa pagbagsak dahil sa krisis ng COVID.

Ayon kay Salceda, na siya ring chairman ng House Ways and Means Committee, ipapanukala niya sa Senate-House Bicameral Conference Committee na baguhin ang dating probisyon ng CITIRA at gawin agad ang minsanang 5% bawas sa CIT ng mga negosyo. “Ihahatid nito ang pahayag na bukas ang bansa natin sa negosyo, habang pinamumuhunanan din natin ang lalong pagpapataas sa antas ng ating mga impraestruktura, kalusugan, edukasyon at iba pa,” dagdag niya.

Aamyendahan  ng CITIRA ang ilang probisiyon ng National Internal Revenue Code upang babaan ang CIT sa loob ng 10 taon, habang dahan-dahan namang inaalis ang mga ‘tax breaks’ para sa mga mamumuhunan.

“Balak naming isingit ang COVID-19 crisis bilang isa sa mga dahilan upang ipagkatiwala sa Pangulo, sa halip na sa isang ‘fiscal incentive board’ ang karapatang ipagkaloob sa mga mga negosyong apektado ng COVID crisis ang naturang insentibo,” paliwanag niya sa ginagawa nilang ugnayan sa ilalim ng Senate-House Bicameral Conference Committee.

Nauna rito, nakiusap ang Philippine Chamber of Commerce and Industry sa pamahalaan na panatilihin ang magagandang insentibo sa mga kompanyang kasalukuyang lumilipat na sa ibang bansa mula sa China. Naglabas din ng pahayag kamakailan ang Makati Business Club na madaliin ng Kongreso ang pagpapatibay at pagpasa sa mga insentibong panukala sa CITIRA.

Makakatulong din ang CITIRA upang itulak ang Balik-Probinsiya Program ng pamahalaan dahil layunin nito ang pagbibigay ng mga insentibo sa ‘countryside development,’ ayon sa mambabatas.

Pinuna ni Salceda na binibigyan na ng tatlong taong Income Tax Holidays (ITH) at dalawang taong pinalaking bawas sa buwis ang mga investor sa  NCR, habang apat na taong ITH at tatlong bawas sa buwis naman ang ibinibigay sa mga mamumuhunan sa ilang lalawigang kalapit ng Metro Manila. Ayon sa kanya, ang mga negosyo sa NCR at karatig nito na lilipat  sa mga rehiyon ay dapat bigyan ng karagdagan pang dalawang taong ITH at isa pang taong dagdag na karapatan sa bawas buwis.

Comments are closed.