NAIS ni dating Special Assistant to the President (SAP) Sec. Bong Go na tuloy ang serbisyo ng mga Malasakit Center sa bansa kahit tapos na ang termino ng Pangulong Rodrigo Duterte sa taong 2022.
Si Go ang siyang founder ng mga Malasakit Center na makikita sa iba’t ibang pampublikong pagamutan na siyang madalas lapitan ngayon at hingan ng tulong ng mga maysakit na mahihirap na Filipino.
Sinabi ni Go, libre ang konsulta at libre din ang gamot sa 24 Malasakit Center nationwide kaya wala ng dahilan at alinlangan ang mga may sakit upang hindi sila magtungo sa hospital para magpatingin ng kanikanilang mga karamdaman.
Kung dati ay takot magpa-hospital ang mga pasyente dahil wala silang pambayad, ngayon ay araw-araw na dinudumog ang mga ‘one stop shop’ na Malasakit Center sa bansa.
Ayon kay Go, sa oras na siya ay palaring maging senador ay babalangkas siya ng mga batas na magbibigay ng malaking pondo sa mga pampublikong pagamutan upang kahit tapos na ang termino ng Pangulong Digong ay tuloy-tuloy ang serbisyo ng mga itinayo niyang Malasakit Center sa bansa.
Makikita sa Malasakit Center ang mga tauhan ng PCSO, PAGCOR, PhilHEALTH, DOH, SSS at DSWD na siyang sasagot sa ‘hospital bill’ at iba pang gastusin ng isang mahirap na pasyente.
Comments are closed.