(Ni CT SARIGUMBA)
PAGPAPATAYO ng sariling negosyo, isa iyan sa inaasam-asam ng marami sa atin. Pagkakaroon kasi ng negosyo ang isa sa naiisip na daan ng marami upang makaahon sa kinasasadlakang kahirapan.
Kunsabagay, hindi nga naman tayo yayaman kung mananatili lang na empleyado habang buhay. kaya’t tama lamang ding mag-asam na makapagtayo ng negosyo kahit na kaliitan lang.
Pero hindi nagtatapos sa pagpapatayo o pagkakaroon ng negosyo para sabihing kikita na o makaaahon na sa hirap. Kailangang magpursige ka. Dapat din ay nag-iisip ng magandang tips para makaakit ng customer. Kung marami ka nga namang customer, paniguradong kikita ka at lalago ang iyong negosyong sinimulan.
At sa mga mayroon diyang negosyo na nahihirapan o nag-iisip kung papaano makaaakit ng customer, narito ang ilan sa simpleng tips na puwedeng subukan:
WORD OF THE MOUTH
Sa panahon ngayon na pabilis na nang pabilis ang teknolohiya, para makilala ang isang negosyo ay laging iniisip o isinasaalang-alang ang pagpapa-advertise sa radio, diyaryo o telebisyon. Kunsabagay, malaki nga naman ang nagagawa ng pagpapa-advertise ng produkto at serbisyo sa radio, diyaryo at telebisyon.
Ngunit ang ganitong nakagawian ay nangangailangan ng budget o pera.
At bukod sa nabanggit isa sa matatawag na epektibo at hindi nangangailangan ng budget ang ‘word of the mouth’. Pinakalumang paraan din ito upang makakuha ng maraming customer. Kung mga kaibigan din at kakilala ang magsasabi ng kagandahan ng isang produkto at serbisyo, talagang maeengganyo tayong subukan ito.
Kaya sa mga negosyante riyan—maliit man o malaki ang iyong negosyo—siguraduhing naaalagaang mabuti ang inyong mga parokyano nang bumalik-balik ang mga ito. At higit sa lahat, para rin maipakalat nito sa mga kakilala nila, kapamilya at kaibigan ang kagandahan ng iyong negosyo.
Habang dumarami ang nagkukuwento tungkol sa iyong negosyo, darami rin ang makaaalam nito at higit sa lahat, madaragdagan ang iyong customer.
Siguraduhin ding satisfied at masaya ang inyong customer nang positibo ang maibahagi nito o maikuwento sa kanilang mga kakilala, pamilya at kaibigan.
FREEBIES, DISCOUNTS AT DEALS
Isa rin sa nakatutulong upang makahakot ng maraming customer ay ang pagbibigay ng freebies, discounts at deals.
Mahilig nga naman sa freebies, discounts at deals ang marami sa atin. Nakatitipid din tayo sa pag-a-avail ng freebies, discounts at deals. Kaya maraming customer ang nag-aabang ng mga promo at deals.
Kaya isa rin ito sa dapat na isaisip ng mga negosyante nang makaengganyo ng maraming customer. Positibo rin ang naidudulot ng pagbibigay ng freebies at promos sa isang negosyo.
Creative rin at low-cost na paraan ang paghahandog ng discounts at deals sa mga customer. Isang magandang oportunidad din kasi ito sa mga mamimili para makatipid.
SOCIAL MEDIA
Isa pa sa talagang masasabi nating epektibo upang makahakot ng maraming mamimili ay ang social media.
Sa panahon ngayon na halos lahat ng tao ay nahihilig sa social media, tiyak na maraming maaabot ang iyong produkto at serbisyo.
Mainam ding gamitin ang social media upang maipaalam sa marami ang iyong serbisyo at produkto.
Sa ngayon din kasi ay mahilig na ang marami sa atin sa pagbili sa online. Kung ang negosyo mo ay mga produkto, mainam na i-post mo ang mga ito sa social media. Gandahan ang pagpo-post nang maengganyo ang marami na bumili.
Binago ngayon ng social media ang negosyo. Marami na rin kasi ang nakadepende sa social media. Halimbawa na lang sa mga produkto, mas gusto nilang bumili na lang sa online kaysa sa ang makipagsiksikan sa mall o tiyangge.
MAG-ISIP NG MAGANDANG PAKULO
Importante rin ang pag-iisip ng magagandang pakulo na papatok sa mga customer. Bukod nga naman sa freebies at mga discount, importante ring may mga iba’t iba kang pakulo nang mapansin ang inyong negosyo.
Halimbawa ay pagkain o restaurant ang iyong negosyo, isa sa maaaring subukan ay ang pagkakaroon ng contest gaya ng pabilisang kumain o palakasan sa pagkain.
May ilang restaurant din na kapag naubos sa itinakdang oras ang kanilang pagkain ay ginagawa na nilang libre.
Mga ganitong pakulo o pa-contest ang maaari ninyong subukan nang mapansin ang inyong kainan o restaurant.
Siguraduhin din na malinis, safe at masarap ang inyong inihahanda nang hindi kayo magkaroon ng problema.
Pangarap ng marami sa atin ang makapagtayo ng kahit na maliit lang na negosyo. Pero hindi nagtatapos sa pagpapatayo ng negosyo ang iyong obligasyon bilang negosyante. May mga kaakibat iyan gaya ng pag-iisip kung paano makaaakit ng customer at paano lalago. Nariyan din ang obligasyon mo sa iyong tauhan. Gayundin sa iyong magiging customer.
Para ma-achieve ang goal na kumita ang iyong negosyo ngayong 2019, gumawa ng paraan. Subukan din ang ilang tips na ibinahagi namin.
Comments are closed.