GOOD DAY mga kapasada!
Maraming pagkakataon na ang ating mga kapasada ay dumaraing nang labis sa kabiguan bunga ng ilang pangyayaring ang kanilang paniniwala ay mahirap ihanap ng lunas.
Sa totoo lang, sa obserbasyon ng pitak na ito, hindi pa man sinusubukan ang pangunahing lunas na dapat gawin, karamihan sa mga drayber ay sumusuko kaagad.
Hindi man lamang tantiyahin kung ang naging kasiraan ng kanilang minamanehong sasakyan ay kailangan pang ipagawa sa iba.
Ang katotohanan, hindi lahat ng problema ng drayber ay grabe. Ang ilan dito ay nangangailangan lamang ng ibang klaseng pagmamaniobra, gaya ng:
- PAGKABAON SA PUTIK – Karamihan sa mga drayber, kung malubak ang kanilang minamanehong sasakyan sa putik pagkatapos tumila ang malakas na ulan, ang ating mga kapasada ay karaka-rakang natataranta at hindi maisipan kung ano ang gagawin para maiahon ang sasakyan sa putikan.
Kapag nalubak sa putik, wala kayong dapat gawin kundi ang umatras nang kaunti at maglagay ng kahit anong matigas na bagay na puwedeng ikatang sa gulong sa pagdaraanan sa inalisang putik.
Idaan dito ang gulong ng sasakyan upang makaahon, para makatiyak sa anumang puwedeng mangyari, ihanda na rin ang preno.
- PAGDAAN SA BAHA – Maraming pangit na implikasyon ang nagagawa ng baha sa isang motorista.
Dahil sa baha, maraming mga sasakyan ang tumitirik sa mga lansangan sa mga lugar na madaling tumaas ang tubig dahil sa mga baradong imburnal o likha ng pagiging mababa nito sa level na ‘di binabaha.
Sa pagkakaroon ng aberya ng sasakyan na likha ng baha saan mang pook, maraming mga drayber ang hindi malaman kung ano ang gagawin. Ang bunga nito ay ang pagkakaroon ng buhol ng trapiko at kung minsan ay aksidente sa lansangan.
May mga lugar na sadyang bahain at dito ay kailangang doble ang pag-iingat na dapat gawin ng mga drayber.
Sa ganitong mga sitwasyon kung hindi na ninyo maiwasan ang hindi maparaan sa ganitong uri ng pook, paandarin nang husto ang motor para hindi ito pumalya, pero huwag bibilisan ang pagpapatakbo.
I-set na rin ang handbrake sa ¾, hindi sa uno para tuloy-tuloy ang takbo. Kailangan ito para may brake sa mga likurang gulong pagkaahon sa baha at patuloy na makatakbo ang sasakyan nang matiwasay.
- PAG-IWAS SA BUMUBUNTOT (TAILGATING) – Kinabihasnan o masasabi na ring kinaugalian ng karamihang drayber ang bumubuntot (tailgating) sa sinusundang sasakyan. Ang ganitong asal ng karamihang mga drayber ay humahantong sa aksidente na ang bunga ay pagkawasak ng buhay at ari-arian.
Pakatandaan lamang na sakaling may bumubuntot sa inyong minamanehong sasakyan saan mang pook at anumang oras, tiyakin lamang na mag-iwan ng malaking distansiya sa pagitan ng inyong sasakyan at ng sinusundan.
Kung biglang kailanganing magpreno, may sapat na puwang o espasyong patutunguhan at hindi kayo matutumbok ng sumusunod.
Sa ganitong alituntunin, makatitiyak kayo na makaiiwas sa aksidente at maililigtas ang inyong ari-arian at maging ang inyong buhay.
- PAG-IWAS SA SANGANG DAAN (INTERSECTION) – Sa totoo lang, karaniwan sa mga motorista ang walang anumang kabahalaan sa anumang ‘di mabuting ibubunga ng kanilang pagmamaneho samantalang sila ay nagdaraan sa mga sangandaan.
Ang karaniwang aksidente ay nagaganap sa sangandaan. Ang resulta ng mga traffic investigators ay kalimitang may kinalaman sa pagkalingat ng mga drayber sa mga dapat asalin sa kanilang pagbagtas sa mga sangandaan.
Ang katotohanan, ang mga sangandaan ay isa sa lugar na madalas pinangyayarihan ng aksidente. Kapag daraan dito, alalay ang tapak sa accelerator at ihanda ang brake.
Kahit hindi man magamit ang preno, magiging mabilis at eksakto ang inyong reaksiyon kung saka-sakaling may mangyaring hindi inaasahan.
- PAGKAWALA NG KONTROL SA SASAKYAN – Ayon sa mga traffic enforcer ng Land Transportation Office, maraming dahilan kung bakit nawawalan ng kontrol ang minamanehong sasakyan. Ang karaniwang ugali ng drayber ay ang pagwawalang bahala na siyasatin kung kumpleto ang sasakyan sa mga dapat asahan kung saan nagbibigay ng sakit ng ulo sa mga drayber kung dumarating ang panahon ng aksidente sa lansangan.
Bunga ng kapabayaan, nagkakaroon ng pagtatalo o sisihan sa mga kasambahay, para maiwasan ang ganitong sitwasyon, marapat lamang para sa isang drayber ang mabatid niya ang mga dahilan kung bakit nawawalan ng control ang sasakyan samantalang ito ay pinatatakbo sa lansangan.
May tatlong klase ng pagkawala ng control sa sasakyan tulad ng:
- Maaaring hindi kumagat ang brake.
- Maaaring tumalon ang gulong sa bilis ng pagpapatakbo at
- hindi gaanong sumayad sa lupa, o maaaring uminog ito dahil sa pagpreno habang kumukurba ang sasakyan.
- PAG-ILAG SA MABUBUNGGO – May ilang mga drayber na nagkakaroon ng aksidente ang nagsasabing, “wala akong magagawa, hindi ko naiwasan na hindi siya mabunggo”. Ito at marami pang iba ang karaniwang matuwid ng karamihang drayber na nagkaroon ng aksidente.
Ang katotohanan, maaaring makaiwas sa mabubunggo kung ang isang drayber ay may kabatiran sa dapat niyang gawin. Narito ang ilang mga payo ng LTO kung papaanong makaiilag sa mabubunggo sa panahon ng kagipitan tulad ng:
- kung may biglang tumawid sa inyong harapan o may sasakyan o bisikleta na bigla na lamang lumabas sa garahe o sa parking space, puwedeng magpreno nang todo, pero kung huli na para gawin ito at delikadong sumadsad sa mismong iniiwasan, huwag nang ituloy.
- Mag-break lang nang bahagya para bumagal ang takbo at dumeretso sa kanan o sa kaliwa kung saan libre sa trapiko o may road shoulder.
- Ugaliing nasa manibela ang dalawang kamay at kung maaari ay gumamit ng seatbelt gaya ng isinasaad ng seatbelt law.
- PAGSADSAD SA BANGKETA O ROAD SHOULDER – Kung sumayad ang gulong ng sasakyan na nasa gawing bangketa o road shoulder, huwag biglang mag-brake. Dahan-dahanin ang takbo hanggang lubusan itong mapahinto.
Pagkatapos, tingnan kung libre ang trapiko sa likuran at dahan-dahang umusad pabalik sa lane. Kung nasa highway naman at mabilis ang takbo at may mabubundol sa road shoulder sa inyong pag-iwas, huwag nang magmenor at ibaling kaagad ang sasakyan sa dating lane.
Sa ‘di inaasahang pagsadsad ng minamanehong sasakyan sa road shoulder, dahil sa pagmamadali at kawalang ingat ng isang drayber, sa halip makaiwas, ito ay naaaksidente. Kailangan, hindi malilito at magkaroon ng presence of mind.
- PAGPALYA NG BRAKE (PRENO) – Ang brake o preno ang siyang pinakamahalagang bahagi ng sasakyan na nag-iingat ng susi ng kaligtasan ng mga sumasakay. Ang karaniwang sanhi ng aksidente sa sasakyan ay bunga ng mga depekto ng preno na hindi kayang kontrolin o pigilin ang tulin ng sasakyan.
Ang karaniwang sanhi ng aksidente ay ang pagpalya ng brake kung ito ay tinatapakan.
Sakaling pumalya ang brake, doblehin ang tapak sa clutch at ikambiyo ng reverse o paatras kung maaari. Patayin kaagad ang ignition at dalhin ang sasakyan sa tabi ng daan upang maiwasang mabunggo ng ibang mga dumarating na sasakyan. Iwasan ang magpanik.
ANG ELEMENTO NG DEFENSIVE DRIVING
Nagpahayag nang lubhang pagkabahala ang National Safety Council, “that the kind of defensive driving needed to avoid accidents” ay nangangailangan ng maraming kabahalaang may kinalaman sa defensive driving tulad ng pagkakaroon ng ibayong kabatiran sa:
- traffic rules and regulation na maaaring makuha sa Land Transportation Office.
- na ang kaalaman sa pagmamaneho ay nangangahulugan din ng kakayahang mabatid ang mga peligro at kung papaanong mapoprotektahan ang sarili para maiwasan ang mga ito para sa kaligtasan.
***TAKE NOTE ***
Keep your eyes moving – As long as your wheels are moving so should your eyes be moving. If you fix your eyesight to just ahead of you for quite a time, you might suffer what we call “fixation” and you will see nothing else even that which is before you. Remember what drivers say after they are involved in a traffic accident? “I didn’t see him coming!” – defensive driving element.
HAPPY MOTORING!
KAUNTING KAALAMAN – Ayon sa batas, kung wala ang drayber ng nakaparadang sasakyan, kailangang patay ang ignition at makina at naka “on” ang handbrake.
LAGING TATANDAAN: UMIWAS SA AKSIDENTE UPANG BUHAY AY BUMUTI. (photos mula sa google)
Comments are closed.