HUWAG nang magtaka kung madagdagan ang puwersa ng mga nagbabantay na pulis sa mga lugar ng negosyo katulad ng shopping malls, bus terminals at iba pang matataong lugar.
Ito ay dahil sa hudyat ng pagsisimula ng ‘ber’ months ngayong araw kung saan higit pang pinaigting ng Philippine National Police ang kanilang kampanya kontra “Crime Against Property” bagama’t ayon kay PNP National Capital Regional Police Office Director Maj. Gen. Guillermo Eleazar ay walang dapat ikabahala ang sambayanan sa pinangangambahang pagtaas ng bilang ng krimen pagsapit ng ‘ber’ months.
Paliwanag ni Gen. Eleazar, mula nang manungkulan si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay naging significant ang tuloy-tuloy na pagbaba ng mga index crime kasama ang crime against property, petty crimes kabilang ang robbery snatching at iba pang mga street crimes.
Ito ay bunsod umano ng matagumpay na anti-illegal drug campaign ng Pangulo na pangunahing factor sa pagbaba ng kriminalidad.
Ipinagmalaki pa ni Gen. Eleazar na simula nang pumasok ang administrasyong Duterte ay bumaba ang monthly average ng krimen sa ‘ber’ months at malaking tulong ang kampanya kontra ilegal na droga para mapababa ang bilang ng krimen sa bansa.
Subalit sa kabila ng downtrend sa krimen tuwing Kapaskuhan ay hindi umano magpapapetik-petik ang kapulisan at higit pang palalakasin ang kanilang mga operasyon kontra krimen.
Inalerto rin ng NCRPO chief, ang buong puwersa sa Kalakhang Maynila na paiigtingin pa ang police visibility lalo na sa mga matataong lugar tulad ng mga mall, mga simbahan at mga terminal na dinadagsa ng tao tuwing holiday seasons.
Bukod dito ay magkakaroon din ng maayos na access at shared responsibility ang pulisya sa mga mall kaakibat ang ayuda ng mga security personnel bilang mga force providers para tiyakin ang kaligtasan ng publiko. VERLIN RUIZ
Comments are closed.