MAYNILA – NAKALADKAD hanggang sa bawian ng buhay ang isang empleyado ng Manila City Hall matapos na mabangga at masagasaan ng isang bus habang tumatawid sa kalsada, kahapon ng umaga sa Ermita, Maynila.
Kinilala ang biktimang si Jonnifer Basabe, 48, empleyado ng Manila City Hall na nakatalaga sa Department of Public Safety (DPS) at residente ng Phase 2, Lot 33, Block 37, Panatag Road, Barangay Addition Hills, Mandaluyong City.
Sasampahan naman ng kasong reckless imprudence resulting in homicide ang suspek na si Rico Balugo, 40, driver ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), at residente ng 25 Centraza Village, Las Piñas City na nasa kustodiya ng MDTEU.
Sa imbestigasyon ng Vehicle Traffic Investigation Section (VTIS) ng Manila Police District (MPD), dakong alas-6:30 ng umaga nang maganap ang aksidente sa United Nation Avenue, kanto ng San Marcelino Street, Ermita.
Nabatid sa testigong si Richard Torres, kasamahan ng biktima, kasalukuyan silang naglilinis ng kalsada at patawid sana sa United Nations Avenue, tulak-tulak ang dalang kariton ng basura, nang bigla na lang itong mabangga at masagasaan ng Hino Bus (SAA-6422) na minamaneho ng suspek.
Pumailalim pa umano ang biktima sa hulihang gulong ng bus na nagresulta sa agarang kamatayan nito habang sumuko sa pulisya ang nakasagasa. PAUL ROLDAN
Comments are closed.