MANILA PORT CONGESTION, HINILING NA SOLUSYONAN NG BOC

Senador Aquilino Pimentel III

IPINAHAYAG ni Senador Aquilino “Koko” Pimentel III  na balak niyang ipatawag ang opisyales ng Bureau of Customs (BOC) upang maipaliwanag at mapanagot ang mga ito sa mabagal na paggalaw at mahabang pagkaantala sa pagre-release ng mga merchandise na dumara­ting sa pier ng Maynila at nagdudulot pa ng pagka­lugi ng bilyon-bilyong piso kada araw.

Ipinabatid ni Pimentel, chair ng Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship, na marami nang nakararating sa kanyang reklamo mula sa mga importer, traders, trucker at broker groups gayundin ang mga OFW association hinggil sa lumalalang port congestion sa Manila Port.

“Inaabot na ngayon ang mga barko ng apat hanggang limang araw sa pier. Pagkadaong ng mga ito, dalawa hanggang tatlong araw ang pagdidiskarga ng mga container sa yard. Kaya pito hanggang 10 araw ang pagdidiskarga ng isang container. Habang nagtatagal ang mga container na hindi pa mai-release, lalo namang tumataas ang kanilang nakukuhang storage charges, na sa dakong huli ay ipapasa naman sa mga tagakonsumo. Iyan ang problema,” ayon sa senador mula Mindanao.

Iginiit pa ni Pimentel na idinadaing ng grupo ng mga tagakonsumo at OFW na mas matagal din ang ina­abot bago ma-release ang kanilang balikbayan boxes.

“Gusto kong marinig sa mga Custom official at iba pang stakeholder ang mga solusyon. Isang seryosong peligro sa ekonomiya ang port congestion. Ayaw nating bumagal ang komer­siyo ngayong nalalapit na ang Kapaskuhan dahil maoobligang bumaba ang volume sa merkado sanhi ng kainutilan ng ating mga port partikular na ang Maynila,” anang dating Senate president.

Sa datos ng National Economic Development Authority (NEDA), umabot na sa P2.5 bilyon ang naita­lang pagkalugi ng ekonomiya sanhi ng port congestion. Tinatantiyang kaparehong halaga rin ang nawawala sa lumalalang sitwasyon ng trapiko sa Maynila.

Ipinaliwanag pa ni Pimentel na kinakailangan ang higit na komprehensibong solusyon sa suliranin ng mga port upang malunasan ito.

“Ilang taon na ang nakararaan, may mga bangko na pinahaba ang kanilang operating hours sa Manila Port upang matugunan ang clearance payments para sa shipments. Sa puntong ito, kailangan natin ang mas malaki at mas maraming long-term solutions. Halimbawa, hindi na tayo maaaring umasa sa truck ban. Kailangan natin ang mas dedikadong kalsada na mag-uugnay sa port patu­ngong skyways at expressways,” sabi pa ng senador.

Idiniin pa ni Pimentel na dapat mapabilang ang mahahalagang infrastructure components sa Build, Build, Build program ng pamahalaan.

Iminungkahi rin nito na mapaluluwag ang operasyon sa pantalan kung mapalalawak naman ang mga alternatibong daan sa Subic at Batangas.

Comments are closed.