MARCIAL HANDA NA SA PRO DEBUT

Eumir Felix Marcial

PUSPUSAN ang pagsasanay ni Eumir Felix Marcial sa Los Angeles sa nakalipas na buwan kung kaya naniniwala siyang handa na siya sa kanyang professional career anumang oras.

“Kahit this week,” pahayag ng 25-year-old boxer, na dumating sa LA noong nakaraang Oktubre 12 upang maghanda para sa kanyang pro debut at sa Tokyo Olympics sa susunod na taon.

Si Marcial ay dumalo sa online Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum kahapon, kasama si Manny Pacquiao Promotions chief Sean Gibbons.

Aniya, ang pagtungo sa Los Angeles upang magsanay sa ilalim nina Freddie Roach, Justin Fortune at  Marvin Somodio ang pinakamagandang nang-yari sa kanya ngayong pandemya.

“I’m so blessed to get here,” pahayag ni Marcial, na nagagawa rin ang ginagawa ni Filipino boxing icon at Sen. Manny Pacquiao  — ang tumakbo sa Griffith Park at magsanay sa Wild Card Gym.

Naka-spar din ng ipinagmamalaki ng Zamboanga ang mga  fighter na mas eksperyensado at mas mahusay sa kanya. Halos 15 sparring sessions na, aniya, ang kanyang nagawa magmula noong Oktubre.

“Kung nasa Filipinad ako, mas mahirap,” ani Marcial.

Si Marcial, na lumalaban sa welterweight division, ay dumating sa US na may bigat na 185 pounds subalit bumaba na ito sa 170, malapit na sa limit na 160 pounds.

Ayon kay Gibbons, ang paglulunsad sa pro career ni Marcial ay naisantabi dahil sa kampanya ng huli na magwagi ng kauna-unahang Olympic gold para sa Filipinas.

“Our focus is on Tokyo 2021 and winning the gold so, we haven’t really set a date for his pro debut. But we’re hoping we could squeeze in a fight this December,” wika ni Gibbons.

“We want to focus more on the Olympics and perhaps get a couple of four or six-rounders. There’s a lot of time left because July (Tokyo) is the focus,” dagdag ni Gibbons.

Comments are closed.