(Marcial kumpiyansang makababalik ang liga bago matapos ang taon) PBA HINDI MAWAWALA

Willie Marcial

BAGAMA’T walang katiyakan ang sitwas­yon dulot ng COVID-19 pandemic, ang PBA ay nananatiling kumpiyansa na maipagpapatuloy ng liga ang na­hintong 45th season nito bago matapos ang taon.

Naniniwala si Commissioner Willie Marcial na malaki ang tsansang makabalik sa aksiyon ang liga at makapagdaos ng kahit isang conference para sa 2020 calendar nito na lubhang naapektuhan ng coronavirus outbreak.

Ni-rate niya ang tsansa na makabalik ang PBA sa 7 nang tanungin sa scale na 1-10 sa webcast ng Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum kahapon.

“Seven to eight sa akin na matutuloy. Ako sa akin, makakalaro pa talaga tayo kahit isang conference this year,” wika ni  Marcial, na sinamahan ni deputy commissioner at head of PBA operations Eric Castro sa weekly session.

Kasalukuyang hinihintay ng liga ang tugon ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases sa PBA Board-approved protocols na isinumite nito sa pag-asang magbigay-daan ito para makapagsimula man lamang na mag-practice ang mga koponan kahit sa maliit na grupo sa lalong madaling panahon.

Ayon kay Castro, ang   formal letter ay ipinadala sa IATF noong nakaraang linggo.

Walang definite timeline si Marcial  sa tugon ng IATF ngunit binigyang-diin na ang positive response ay hindi lamang makabubuti sa liga, kundi maging sa iba pang sports sa bansa.

“Kapag pinayagan ang PBA, hindi lang basketball baka lahat ng sports dahan-dahan na papayagan na ‘yan,” anang commissioner.

“Malaking bagay talaga itong ginawa ng PBA. Dahan-dahan ‘yan, hindi lang basketball, pati ibang sports matutulungan natin.”

Idinagdag ni Castro na, “PBA will be a gauge for most of our sports. We can set as a model for other events. So I hope i-consider ng IATF ‘yung request natin. So it will be a step-by-step. Again practice, and then later on kung mag-MGCQ (Moderate General Community Quarantine) tayo, we can proceed to our games.”

Aniya, ang pagbabalik ng ibang contact leagues sa ibang bansa, kabilang ang NBA season sa July 31, ay makatutulong para sa po­sibleng pagpapatuloy ng season ng liga.

“Nakikita nila (Task Force) hindi lang NBA, pati EuroLeague, football, ‘yung baseball yata magsisimula na rin. At ibang basketball leagues sa China, Korea. So, malaking bagay sa amin ‘yun,” sabi pa ng PBA chief.

“Makatutulong ‘yun para ma-convince ang Task Force. Malaking tulong ‘yung mga liga na ‘yun. Maliit man o malaking liga, makatutulong sa PBA.”

Comments are closed.